^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pangamba sa Maharlika

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Pangamba sa Maharlika

Maraming tutol sa Maharlika Investment Fund. Numero unong dahilan nang pagtutol dito nang nakararami ay maaaring pag-ugatan ng korapsiyon. Posibleng makurakot ang pondo at mauwi lamang ito sa wala. Inihalintulad ang nangyari sa 1Malaysia Deve­lopment Berhad (1MDB) na bumagsak dahil kinurakot ng mga opisyales ang pondo. Kabutihan sa Malaysia, may mga nakulong na opisyales ng 1MDB na nagnakaw ng pondo. Kung dito mangya­yari sa Pilipinas ang nangyari sa Malaysia, tiyak na walang makukulong. Maraming opisyales na sang­kot sa korapsiyon ang hindi napaparusahan sa kabila na maraming kinu­limbat. Marami ang napa­pawalang-sala at balewala ang lahat. Ang naiwang nakanganga ay ang mamamayang kuma­kalam ang sikmura.

Ang mga sigaw nang pagtutol sa Maharlika Invest­ment Fund ay hindi nangyari. Pumasok sa kanang tay­nga at walang anumang lumabas sa kaliwa. Walang kahirap-hirap na nakalusot sa Kongreso at sinertipikahan pang “urgent” ni President Ferdinand Marcos Jr. Sa isang iglap, naging batas ang Mahar­lika Investment Fund Act of 2023 o Republic Act 11953. Nilagdaan ito ni Marcos noong Martes. Layu­nin sa pagtatatag ng Maharlika na suportahan ang mga hangarin ng pamahalaan para sa pagpapa­yabong ng ekonomiya. Sa pamamagitan nito, uun­lad­ ang kabuhayan ng bansa at makikinabang ang mamamayan. Sa ilalim ng batas, bibigyan ng kapa­sidad ang gobyerno na mamuhunan sa mga mahahalagang proyekto tulad ng agrikultura, imprastruktura, at maraming iba pa.

Manggagaling ang pondo ng Maharlika sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Bangko Sentral ng Pilipinas at Philippine Amusement and Gaming Corp.

Nang unang sumingaw ang panukalang Maharlika­ noong nakaraang taon at kasama sa pagkukunan­ ng pondo ang Social Security System (SSS) at Government­ Service Insurance System (GSIS), maraming pensioner ang nangamba na matuyuan ang pension funds. Pa­ano na ang kanilang pinag­hirapang pera na ina­asahan sa pagtanda? Ganunman, hindi na ibinilang ang SSS at GSIS sa pagku­kunan ng pondo. Subalit puwede pa rin daw mag-invest ng pera ang dalawang pension funds kung nanaisin ng mga ito.

Wala nang magagawa ang mga tutol sa Maharlika sapagkat batas na. Ang magagawa na lamang nang nakararami ay maging mapagmatyag sa operasyon ng Maharlika. Subaybayan ang paggalaw nito. Kahit pa sinabi ng Presidente na walang mangyayaring pagnanakaw sa pondo, mas makabubuti pa rin ang magbantay sa investment fund. Nararapat na maging mulat ang lahat.

MDB

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with