Strike? Again? Tigilan n’yo ang pagpapapansin!
LAHAT tayo may karapatang magtipun-tipon at ipahayag ang ating saloobin sa mga pampublikong lugar basta hindi nakakaperwisyo ng publiko.
Ang reklamo man ay nauukol sa isang indibidwal, pribadong tanggapan o sa tanggapan ng gobyerno.
Pero kung ang layunin ng pagtitipun-tipon ay para maparalisa ang transportasyon o para ipatigil ang pasada at naghahanap-damay ka pa na ugaling anarkiya, ibang usapan na yan! Hindi na karapatan yan, perwisyo na yan!
Akala yata nitong mga nagpapansin na ilang mga transport group papatulan sila ng gobyerno. Nagpapansin na naman. Nagbabanta sila na paparalisahin nila ang Metro Manila sa loob ng tatlong araw sa susunod na linggo.
Pakialam namin! Mag-strike kayo hangga’t gusto n’yo! Kayo naman ang magugutom, hindi ang publiko.
Kaya tuloy ang ilang employer natuto nang mag-work from home set up dahil sa lintik na kalokohang tigil-pasada n’yo na yan! Para kayong mga batang supot! Dahil lang hindi sila sang-ayon sa gustong ipatupad ng gobyerno na puwede namang pag-usapan, strike agad.
Ngayon ang sinasabi ng grupong Manibela, tanging si President Bongbong Marcos lang daw ang makakapigil sa transport strike nila. Kalokohan! Para bang ang pressure ngayon, nasa presidente.
Unsolicited advice sa inyo diyan sa Manibela, kung galit kayo kay DOTr Sec. Jaime Bautista dahil sa mga ipinatutupad niyang sistema at polisiya, siya ang kausapin n’yo. Huwag n’yo nang idamay ang publiko.
Oo nga, may karapatan kayo na ipahayag ang saloobin n’yo pero dapat hindi napeperwisyo ang publiko. Hindi inkumbenyente sa publiko ang mga gagawin ninyo!
Lahat naman ng bagay puwedeng pag-usapan nang nakaupo, maayos at mahinahon. Hindi ‘yung nakatayo at nagmamartsa sa lansangan. Kung sa Ingles, the art of negotiation.
Huwag ninyong pairalin ang pressure, coercion, intimidation at inconvenience! Kaya imbes na magsimpatya sa inyo ang mga tao, lalo lang tuloy naiinis at nabubuwisit sa inyo!
Buwisit!
- Latest