Piliin mo ang alingawngaw
NAMASYAL ang mag-ama sa gubat. Bigla nadapa ang bata at sa sakit ay napasigaw, “Ahh!” Nagulat siya sa tinig mula sa tabing bundok: “Ahh!”
Unang engkuwentro niya ‘yun sa alingawngaw. Nagtataka, sumigaw siya, “Sino ka?” Pero ang tanging sagot sa kanya ay “Sino ka?”
Nainis siya rito at sumigaw, “Duwag ka.” Sumagot ang tinig: “Duwag ka.” Tumingin siya sa ama at nag-usisa, “Itay, ano’ng nangyayari? Bakit, paano niya ako sinasagut-sagot?”
“Anak, makinig ka, sabihan mo siya ng maganda,” at sumigaw ang tatay ng, “Mahal kita.” Sumagot ang tinig: “Mahal kita.”
Batid ang kalituhan ng anak, ang ama naman ang nakipag-usap sa kalikasan, “Ang galing mo!” Sumagot ang tinig, “Ang galing mo!”
Natuwa ang bata pero lito pa rin. Pinaliwanagan siya ng ama: “Anak, ang tawag diyan ng tao ay alingawngaw, pero sa totoo ‘yan ang buhay. Parati ibinabalik sa iyo ng buhay ang ibinibigay mo. Ang buhay ay salamin ng iyong mga ginagawa.”
Nagpatuloy ang ama: “Kung nais mo’y dagdag na pagmamahal, magbigay nang dagdag na pagmamahal. Kung nais mo’y kabaitan, magbigay ng kabaitan. Kung nais ay pag-intindi at respeto, umintindi at rumespeto. Kung nais ay kapatawaran, magpatawad ng nakasakit sa iyo. Kung nais ng pasensiya, magpasensiya.”
‘Yan ang alituntunin ng kalikasan. Ang alingawngaw ay paraan ng kalikasan na ituro na gawin sa kapwa ang nais nating makamit sa kapwa. At hangarin para sa kapwa ang hangad natin para sa sarili. Hindi lang nagkataon ang buhay mo, may pakay ‘yun. Piliin mo ang iyong alingawngaw. Magkalat ng biyaya at umani ng biyaya.
Sumigaw ang bata, “Pinasaya mo ako.” Sinagot siya: “Pinasaya mo ako.” Pahabol ng bata, “Ipagdarasal kita.” Paulit-ulit ang sagot…. (Halaw ito sa Internet; isina-Tagalog ko.)
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest