One more time, para sa kalikasan!
Back to back nga ang ganap ko sa UK at Paris para sa mga meeting at panel discussion tungkol sa digital transformation at climate action. Naging makabuluhan ang aking pagbisita sa mga bansang may mas advanced at establisado nang mga programa tungkol sa mga paksang ito. Na-realize ko, hindi naman nahuhuli at napag iiwanan ng ating lungsod pagdating sa mga bagong trend at mga inobasyon. Sa ibang bagay nga ay nauuna pa tayo kumpara sa ibang bansa. Pagkabalik sa Makati ay kaagad naman naming pinaghandaan ang taunang Gawad Kalikasan. Kakaiba ang pasabog for 2023, dahil bukod sa mga award at recognition ay nag-deliver ako ng State of the Environment Address sa kauna-unahang pagkakataon. Ito kasi ang unang Gawad Kalikasan pagkatapos magdeklara ng Makati ng Climate Emergency noong August 2022. Kaya naman nag-check tayo kung sumusunod nga ba ang pampubliko at pribadong sektor sa mga programa, ordinansa, at mga polisiya natin tungkol sa climate action. Ano nga ba ang kalagayan ng environment sa Makati? Masasagot ko yan sa isang linya: malayo na pero malayo pa.
Habang mas malalakas ang mga bagyo na ating nararanasan ay patuloy pa rin ang pag-init ng panahon. Kung ngayon pa nga lang ay abot-abot na ang reklamo natin sa sobrang init at alinsangan, lalo na kapag hindi natin ginawan ng paraan para labanan ang epekto ng climate change. Mas magiging mainit ang panahon dahil sa greenhouse gases na dala ng paggamit ng sobra-sobrang fossil fuel tulad ng krudo at gasolina. Bukod sa paggamit ng solar energy, paglipat sa electric vehicles at paglatag ng epektibong transport system para mas kumonti ang sasakyan sa ating mga kalsada, mahalagang hakbang din ang patuloy na paglaban natin sa basura at iba pang uri ng polusyon sa ating komunidad. Dito sa atin sa Makati, meron tayong 33 materials recovery and composting facilities sa ating mga barangay na nakakapag-produce ng compost at vermicompost. Maganda rin ang ating performance pagdating sa Hazardous at Toxic Waste Management. Maayos at regular ang koleksyon natin ng ganitong uri ng basura. Mahigpit din nating ipinapatupad ang environmental policies ng lungsod. Regular ang pag-i-inspect ng mga empleyado para masigurong sumusunod ang mga residente at negosyo sa Solid Waste Management Code.
At hindi nakakalusot ang mga pasaway ha. Last year ay may hinuli tayong 1,623 violators. Di rin pinapalampas ang mga plastik, este gumagamit pala ng plastik! Sa 6,831 establisimyentong na-check sa pagsunod sa ating Plastic Regulation, 5,191 or 76 percent ang nakatanggap ng malaking check sa pagiging masunurin.
Binabantayan din natin ang noise pollution at bibong-bibo tayo palagi sa paglilinis ng ating waterways. Kaya naman may mga award tayo mula sa national government pati na sa Manila Water at Maynilad para sa malinis at dumadaloy na mga creek at estero. May 9 na creek na pasado na sa dissolved oxygen test.
Samantala, nirerequire na rin natin ang mga negosyo na kumuha ng GHG clearance kasabay sa renewal ng business permit. Alinsunod ito sa Greenhouse Gas Reduction Ordinance. Last year, nakapag-issue tayo ng 11,604 clearances. Napakarami pang mga hakbang na dapat gawin para isulong natin ang mga pagbabago para sa kalikasan. Malayong malayo pa tayo sa gusto nating marating, pero malayo na rin tayo sa Makati ng mga nagdaang dekada na walang kaalam-alam tungkol sa climate change, sustainability, at environmental responsibilities. Natitiyak kong hindi magtatapos sa henerasyong ito ang labang ito.
- Latest