^

PSN Opinyon

Gadon, may ‘k’ ba na ma-appoint sa gobyerno

AKSYON NGAYON - AL G. Pederoche - Pilipino Star Ngayon

Umani ng sandamakmak na tuligsa si President Bongbong­ Marcos sa paghirang niya kay Larry Gadon bilang Pre­­sidential Adviser on Poverty Alleviation. Si Gadon ay abo­­gadong inalisan kamakailan lamang ng lisensya na maging­ abogado ng Korte Suprema sa kanyang lantarang pagmumura sa harap ng publiko na mas masahol pa kay dating Presidente Duterte. Ako mismo, at siguro kayo rin ay naka­panood na ng film clips ng mga panayam ni Gadon na palaging kinariringgan ng mga salitang makatanggal tutuli.

Kunsabagay, iyan marahil ang kanyang karakter—ang maging brutally frank sa mga tao at pananaw na hindi niya sinasang-ayunan. Idinemanda nga siya ng libelo ng journalist­ na si Raissa Robles nang murahin niya ito at tawaging bobo dahil lamang sa magkasalungat nilang pananaw. Bihira ang mga taong ganyan ang ugali na nakalulusot at marami pa rin ang kumakampi, gaya na lang ni dating Presidente Duterte. Malamang si Duterte ang iniidolo ni Gadon kaya ginagaya niya ang mga pananalita at kilos nito.

Okay, tanggapin na natin na iyan ang kanyang ugali na hindi natin puwedeng baguhin, matatanggap din ba natin na siya ay dapat bigyan ng tsansa na makapaglingkod sa bayan? Iyan ang katanungan ng mga kumukuwestyon sa appointment ni Gadon na ipinagpapalagay nang marami na pagtanaw ng utang na loob ng presidente sa maalab na pangangampanya at suporta ni Gadon sa kanya noong eleksyon.

Hindi masisisi ang taumbayan kung sila man ay tumutol sa pagkakahirang kay Gadon dahil sa paghahangad na magkaroon ng isang matinong pamahalaan na makapagsisilbi nang wasto sa mamamayang dapat paglingkuran. Pinakamataas na Hukuman na mismo ang nagtanggal ng kanyang karapatang mag-abogado kaya marahil, mas makabubuting humanap siya ng ibang propesyon na naaangkop sa kanya na doo’y hindi niya kailangang mag­lubay sa pagmumura at panlalait ng kapwa.

Tayo ang pumipili ng ating pag-uugali at iyan ay isang karapatan. Pinili ni Gadon na maging ganyan, respetuhin ang kanyang freedom of choice. Ngunit matimbang din ang karapatan ng taumbayan na magkaroon ng maayos na pamahalaan.  Ang pagbatikos ay isa ring karaptang ginagarantiyahan ng Bill of Rights ng ating Konstitusyon na hindi dapat ipagkait sa taumbayan.

Sa ngayon may motion for recconsideration sa Mataas na Hukuman si Gadon para bawiin ang kanyang disbarment.  Sabi ng ilang legal expert, malabo nang  mabago ang promulgasyong ito pero hinahangad ko pa rin na maipagkaloob muli ito sa kanya at magsilbing gintong aral para baguhin na niya ang kanyang bokadura. Kahit ang Panginoong Diyos ay nagpapatawad at nagbibigay ng pagkakataon sa atin na baguhin ang mga ugali nating palso at wala sa hulog.

GADON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with