^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hindi na kaya sasablay ang LTO?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Hindi na kaya sasablay ang LTO?

HARI ng sablay ang Land Transportation Office (LTO) sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko. Saan naman­ nakakita ng tanggapan na kung kailan kakailanganin ang plastic cards para sa driver’s license ay saka lamang­ sila bibili. Kung kailan gagamitin ay saka lamang kikilos. At ang resulta, mahigit limang milyong driver’s license ang backlog nila. Alam naman nila na laging kailangan ang plastic cards pero hindi nila binibigyang prayoridad. Napakasimple naman ng problema at hindi na dapat­ humantong sa pagkakaatrasado ng pag-iisyu ng dri­ver’s license. Dahil sa sablay na trabaho ng LTO, papel lang muna ang iniisyu nila ngayon habang hinihintay ang delivery ng plastic cards. Ang mga expired na lisen­siya ay binigyan ng palugit hanggang Okt. 31, 2023.

Kaya hindi maiaalis na magkaroon ng pagdududa nang ihayag ng LTO noong Martes na matutugunan na raw ang problema sa driver’s license na umabot na sa 5.2 milyon ang backlog o ang mga dapat gawing lisensiya. Idedeliber na raw ng Banner Plastic Card, Inc., sa loob ng 60-araw ang plastic cards. Ang nabanggit na kompanya ang nanalo sa bidding. Subok na raw ang Banner sa performance at marami silang natanggap na feedback sa kompanyang ito. Itinanggi naman ng LTO ang usap-usapan na pinaboran nila ang nasabing kompanya kaya ito ang nanalo. Dumaan daw sa bidding ang lahat.

Hindi naman aabot sa ganito kalubhang problema ang kakapusan sa plastic cards para sa lisensiya kung ang nagbitiw na LTO chief Tugade ay nakipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) para sa pagbili ng plastic cards. Ayon kay Tugade, ang DOTr ang nag­po-procure ng plastic cards. Pero sabi naman ng DOTr ang LTO ang naatrasado sa paghahanda sa proseso ng pagbili. Dumadaan umano sa maraming hakbang ang pro­curement para matiyak na tama ang pagbili ng plastic cards. 

Nagturuan ang LTO at DOTr sa kakapusan ng plastic­ cards. At sa kanilang pagtuturuan ang publiko ang apektado. Nagkaroon ng backlog na hindi naman dapat nangyari.

Ngayong tinitiyak na ng LTO na maidedeliber na ang mga plastic, ang katuparan ng pangakong ito ang hihintayin ng publiko. Maraming ipinapangako ang LTO pero lagi silang sablay kaya hangga’t hindi nagka­katotoo ang kanilang pangako, hindi dapat umasa ang mamamayan.

Noon pa, marami nang sablay ang LTO sa pagde­deliber ng serbisyo. Hanggang ngayon, marami pang plaka ng sasakyan ang hindi nila naidedeliber. Binayaran ng mga motorista ng P400 ang mga bagong plaka noon pang 2010 pero hanggang ngayon, wala. Kinolekta nila ang bayad sa mga plaka pero hindi naideliber.

Ngayon kaya totoo na? O sablay pa rin?

DRIVER LICENSE

LTO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with