Hinaing ng truckers at brokers
IDINULOG sa ating kolum ng isang grupo ng mga truckers at brokers ang kanila’ng himutok sa patung-patong na sinisingil sa kanila ng mga shipping lines na humahatak sa kanilang negosyo pababa. Anang Confederation of Truckers Association of the Philippines (CTAP) wala’ng ahensiya ng gobyerno na nagre-regulate sa mga charges na ipinatutupad ng mga shipping lines sa kanila. Kaya ibig ko’ng bigyang daan ang kanila’ng daing at bakasakaling mapansin ng gobyerno.
Marahil, porke ito’y may kinalaman sa importasyon at pagluluwas ng mga kalakal, ang dapat tawagang pansin ay ang Department of Trade and Industry. Alam ko na ito ang dapat magmalasakit sa paglingap sa lahat ng uri ng negosyong katuwang ng pamahalaan sa pagpapayabong ng ating ekonomiya. Ang mga shipping lines ay malaking negosyo rin pero sa kasong ito, tingnang mabuti kung sino ang nasa katuwiran. Kung sino ang tama, siyang dapat panigan.
Kailangan talaga na magkaroon ng regulating agency ang pamahalaan para mapangalagaan ang isang pinagsasamantalahang negosyo. Kawawa naman ang mga truckers at brokers. Ang pagbuo ng isang regulatory body upang sumilip at magkontrol sa mga sinisingil ng shipping lines ay mungkahi ni Wellcargo Customs Brokerage Inc, Import/Export Supervisor Januario Panaligan.
Ani Panaligan, kay raming mga charges tulad ng peak season surcharge na dating congestion surcharge. Ang congestion surcharge ay ginawa nilang peak season surcharge. Paliwanag naman ng mga shipping lines, maraming kargamento sa peak season kaya congested. “Kaya imbes mabawasan, dumami pa ang binabayaran namin,” himutok ni Panaligan. Nariyan pa ang container cleaning fee, container handling fee, container imbalance surcharge, terminal handling charge, at iba pang walang katuwirang singilin.
Mayroon pa ring terminal handling charge at port cargo handling charge. Kaya suma-total, anang mga truckers at brokers, tiba-tiba ang mga shipping lines. Naninigil na sa import, naningil pa rin sa export. “Ilan lang ‘yan sa napakarami pang kuwestiyonableng charges nila” sabi naman ni CTAP President Mary B. Zapata. Kinikilala naman nila na nagkaroon ng kaunting improvement ang mga shipping lines pagdating sa mga ilang bagay gaya ng container deposit refund gayundin ang pagtanggap sa mga isinasauling empty containers.
Gayun pa man, ayon sa CTAP, malayo pa rin ito sa ninanais ng kanilang grupo na pigilan na ang pagdami ng mga unregulated charges na ipinapatupad ng mga shipping lines. “Try to re-consider naman ‘yung kanilang mga charges and to be fair. If they really love the country and really want to have the government to address the inflation, they have the most party na dapat mag-consider ng kanilang mga charges,” Dagdag ni Zapata.
- Latest