15-minute city strategy
ISA sa mga naipangako ko nang tumakbong mayor ay ilapit ang mga serbisyong hatid ng pamahalaang lungsod sa Qcitizens.
At lalong napakainam kung hindi na kailangang bumiyahe nang malayo para lang makapagpatingin sa doktor, o di kaya’y kumuha ng mahalagang dokumento mula sa isang tanggapan ng ating siyudad.
Napakalaking ginhawa ang hatid nito, lalo pa’t kabi-kabila ang trapik na ating nararanasan ngayon.
Para maisakatuparan ito, isa sa mga programa na ating tinitingnan ang tinatawag na ”15-minute city strategy”, na ipinakilala ni Sorbonne University Professor Carlos Moreno.
Ang ”15-minute city” ay isang urban model kung saan ang lahat ng mahalagang serbisyo tulad ng healthcare, job opportunities, mga parke at open spaces, at edukasyon ay madaling mapupuntahan ng mga residente sa konting paglalakad lang o pagbibisikleta mula sa kanilang tahanan.
Nang magtungo kami sa Paris para sa Plastic Treaty Forum, bilib na bilib kami sa nakita naming 15-minute city sites dahil lahat ng mga kailangang serbisyo ng mga residente ay abot-kamay nila.
Nais nating gayahin ito sa Quezon City para sa mas magandang kalidad ng buhay ng bawat QCitizen.
Sa tulong nito, naibababa sa mga komunidad ang tradisyunal na buhay sa siyudad. Nauuwi ito sa mas malakas na lokal na ekonomiya, bukod sa nababawasan pa ang usok na mula sa mga sasakyan at naisusulong ang urban biodiversity at inclusivity.
Tinipon na natin ang mga researcher mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang lungsod para pag-aralan na ang mainam na modelo na makabubuti para sa ating siyudad.
Nagsimula na rin tayong mag-mapping sa barangays sa pamamagitan ng ating Geographic Information System (GIS) para makita ang kanilang geographic data at malaman kung anong mga pangunahing serbisyo ang kailangan sa bawat komunidad.
Umaasa tayo na kapag natapos na ang pag-aaral at pagpaplano, Quezon City ang magiging unang siyudad sa bansa na magpapatupad ng konseptong ito.
- Latest