Mga katutubo, pinagsamantalahan, nilait at inabuso
Buwisit ako sa mga taong mayabang, hambog, mapagmalaki na akala nila sa sarili nila sila lang ang magaling at tagapagligtas. Kulang na lang sabihin nila na kung hindi dahil sa kanila, kumakalam pa rin ang sikmura ng kanilang mga tauhan.
Tulad ng may-ari ng ERV Poultry Farm sa Majayjay, Laguna. Napakayabang! Andaming mga pinagsasabing mga benepisyo kuno pero ang pasweldo at pagtrato niya sa mga tao hindi makatao.
Kung papakinggan ang kaniyang mga boladas noong nagre-recruit pa lang daw siya sa Mindanao. Kulang nalang sabihin niya na masarap at hayahay ang magiging buhay nila. Pero sa reyalidad, kalbaryo pala!
Ang nagsumbong nito sa #ipaBITAGmo, ang walong poultry farm worker na tumakas dahil hindi na raw nila masikmura ang kanilang trabaho. Napakalayo raw sa ipinangako sa kanila.
Itong walong poultry farm worker na ito, mga promdi mula sa tribong Higaonon. Sinadya pa raw talaga silang i-recruit ng kanilang amo sa Mindanao. Ang pangako sa kanila, magandang trabaho sa Maynila, benepisyong SSS, PhilHealth at Pag-IBIG, may swimming pool sa pagtatrabahuhan, may computer at bilyaran pa. Wow!
Palibhasa nag-aasam din ng maayos na buhay, nahikayat ang mga pobreng ‘syano.
Ang siste, sa Majayjay, Laguna pala ang trabaho. Tagalinis ng mga etyas ng manok, tagapala ng mga dumi ng hayop habang nakayapak ni wala man lang daw proteksyon sa paa. Wala rin daw swimming pool, computer, bilyaran at mga government mandatory contribution.
Labimpitong oras ang kanilang trabaho. Gigising daw sila ng 3:00 ng madaling araw, may isang oras lang daw na pahinga tapos dire-diretso na ulit ang trabaho hanggang 9:00 ng gabi.
Habang nakaere ako live sa #ipaBITAGmo, tinawagan ko ang may ari ng ERV Poultry Farm. Ipinagmalaki pa ng kolokoy na sa buong Luzon siya raw ang pinakamataas magbigay ng sweldo. Susmaryosep!
Labimpitong oras ang trabaho sa P6,000 na sweldo? Putris naman! Kesyo may libreng sabon daw, shampoo, pagkain, tuluyan at kung anu-ano pa. Tinawag niya pa ang mga pobreng tauhan niya na mga mangmang.
Kung papaano ko kinastigo ang may ari ng ERV Poultry Farm, panoorin sa BITAG Official YouTube Channel.
- Latest