EDITORYAL - Pagpatay na naman sa mamamahayag
ISA na namang mamamahayag ang pinatay ng riding-in-tandem noong Miyerkules ng madaling araw. Nasa harap ng kanyang sari-sari store ang 50-anyos na radio commentator na si Cresenciano Bunduquin, ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro dakong 4:30 ng madaling araw nang lapitan ng dalawang lalaking naka-motorsiklo at pinagbabaril. Tumakas ang mga suspect subalit hinabol ng anak ng biktima gamit ang kotse. Nang abutan, binangga ang motorsiklo ng mga suspect. Tumilapon ang driver at namatay samantalang nakatakas ang gunman. Hinahanap na ng mga pulis ang suspect.
Si Bunduquin ay commentator ng DWXR 101.7. Ayon sa mga kaanak ng biktima, nakakatanggap na umano ito ng mga pagbabanta. Ayon sa pulisya, tinitingnan nila ang dalawang anggulo kung may kinalaman sa trabaho bilang commentator o sa negosyo. Si Bunduquin ang ikalawang mamamahayag sa Oriental Mindoro na pinatay ng riding-in-tandem. Noong 2016, pinatay si Nilo Bacolo Sr., 67, ng Bgy. Lalud, Calapan City. Si Bacolo ay broadcaster sa DWIM 936 AM.
Tatlong mamamahayag na ang napapatay sa ilalim ng administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. Unang pinatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco sa Mabinay, Negros Oriental noong 2022.
Ikalawang pinatay ng riding-in-tandem ay ang beteranong broadcaster na si Percy Lapid. Binaril siya sa BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas. Sumuko ang gunman ni Lapid at dinawit ang mga bilanggo sa New Bilibid Prison. Itinuro si dating BuCor chief Gerald Bantag at isa pang opisyal na “utak” sa pagpatay.
Marami nang mamamahayag ang pinatay at karamihan ay hindi nalulutas. Parang mga manok na binabaril. Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag sa Pilipinas ay naganap noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpung mamamahayag ang pinatay na ang utak ay Ampatuan clan. Nakakulong na ang mga Ampatuan.
Sa report ng Committee to Protect Journalists (CPJ), pampito ang Pilipinas sa pinakamasamang bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Somalia at sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Afghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.
Noong nakaraang Hulyo 2022, sinabi ng Malacañang na maglalatag na ng mga bagong programa ang pamahalaan para maproteksiyunan ang mga miyembro ng media. Sa kabila nito, wala pa ring nakikitang proteksiyon ang mga mamamahayag at sinasaklot sila ng pangamba. Pawiin ang kanilang pangamba sa pagbibigay ng proteksiyon.
- Latest