Ninenerbyos kung lalagpak sa exam
MALIMIT tayo makapanood ng tv interview ng board exam topnotchers. Lahat sila nagkukuwento na hindi nila inasahang maging mataas ang score. Naghanda lang sila nang lubos at nagdasal na pumasa. Gantimpala na lang mapasali sa Top 10.
Lahat tayo dumaan sa madugong exams sa eskuwela. Nagpuyat sa pag-review. Ilang araw na ninerbyos kasi baka lumagpak. Nawalan ng tiwala sa sarili. Sa araw ng exam nabingi tayo sa katahimikan ng classroom. Narinig pati ang tik-tok ng orasan. Nalusaw sa matalas na titig ng proctor. Nasira ang loob sa kaklase na taas-noong maaga natapos nang kinse minutos. Tapos natulala nang makita ang grade….
Nakagugulo ba ang nerbyos sa isip ng examinee? Kung mas matindi ba ang nerbyos ay mas malamang lumagpak siya? Kung sa mock exam o online practice sessions ay ninenerbyos na, mas malala ba ito kung mismong exam na?
Inaral ang isyu ni Dr. Maria Theobald ng Leibniz Institute for Research in Education. Sinuri niya ang takbo ng isip ng 309 Germans na kukuha ng medical board exams. Tatlong Sabado ang exam, tig-limang oras. Sa exam na ‘yon malalaman kung magiging doktor na sila.
Sa 100 araw na paghahanda, sinanay sila sa mga tanong sa lumang exams. Araw-araw sa huling 40 araw, pinamarka sa kanila ng 1-5 ang tindi ng kaba, batay sa mga tanong tulad ng “Ninenerbyos ba ako?” Sa araw ng exam, ang tanong ay, “Nakapag-aral ba ako nang husto.”
Nilathala ng Psychological Science ang pagsusuri. Balewala pala sa score ang nerbyos sa araw ng exam. Ang mga pumalpak sa mock exams pa lang ay palpak din sa aktuwal. Hadlang ang nerbyos sa pasok ng kaalaman habang nagre-review. Ang mga hindi nerbyoso ay may mataas na grado sa mock at aktuwal na exam. Leksiyon: Relax lang sa mock para matuto. Isiping tuloy ang buhay maski lumagpak. Maniwala sa sarili.
Pero mainam kung magdasal din sa poon ng paboritong santo.
- Latest