Seryosohin ang climate change mitigation at adaptation
Ipagpatuloy natin ang diskusyon tungkol sa climate change at ang malaking epekto nito sa ating lahat.
Dito sa Makati, proud ako na mayroon tayong mga programa na umaaksyon sa mga problemang dala ng climate change. Ang Makati City Climate Change Mitigation and Adaptation (CCMA) Program ay ang umbrella program na ating binuo para labanan ang epekto ng climate change.
Matapos tayong magdeklara ng climate emergency noong Agosto 2022, pinalakas ng Makati ang aktibong pakikilahok sa mga inisyatiba at programa tungkol dito. Kasama rito ang efforts natin na mabilis na pababain ang greenhouse gas (GHG) emissions sa ating lungsod.
Kailangan lang talagang maging pursigido at consistent sa pagpapatupad ng mga programa.
Ano ba ang gusto nating ma-achieve? Isa sa mga layunin ng Makati CCMA Program ang carbon neutrality. Ito ay ang estado kung saan ang netong emissions ng carbon dioxide (CO2) at iba pang greenhouse gases (GHG) na inilalabas ng isang lungsod o isang buong bansa ay zero o hindi naglalagay ng karagdagang CO2 sa atmosphere.
Malaki ang kontribusyon ng GHG sa global warming at climate change kaya naman tina-target natin ang carbon neutrality. Mahirap at matagal pero hindi ito imposibleng ma-achieve.
Heto ang ilan sa mga epektibong paraan:
Pagsuporta sa mga malinis na mapagkukunan ng enerhiya: Ito ay kinabibilangan ng paggamit ng renewable energy tulad ng solar, hangin, at hydroelectric power.
Epektibong paggamit ng enerhiya: Ito ay ang paggamit ng enerhiya sa pinakamahusay na paraan upang mabawasan ang pagkonsumo at ang mga kaakibat na emissions.
Pagpili ng mga carbon offset: Kung hindi maiiwasan ang paglabas ng GHG emissions, ang carbon offset ay maaaring magamit upang ma-neutralize ang mga ito. Ito ay ang proseso ng pagpo-protekta o pagtatanim ng mga puno, o pagpopondo sa mga proyektong nagbabawas ng emissions sa ibang lugar upang magbalanse sa mga emissions na likas na nailalabas.
Dahil ang pagtaas ng mga GHG sa atmosphere ay nagdudulot ng pag-init ng mundo at iba pang mga epekto tulad ng climate change, pagtaas ng antas ng dagat, pagbabago sa mga patterns ng ulan, at iba pa, mahalagang bawasan ang paggamit ng fossil fuel at palitan ito ng mga malinis at renewable na mapagkukunan ng enerhiya.
Nitong linggo nga ay kasali ang Makati sa mga miyembro ng Global Covenant of Mayors for Climate & Energy GCoM) na nangangampanya para pag-usapan at balangkasin ang Fossil Fuel Non-Proliferation Treaty.
Nakapaloob dito ang tatlong mahahalagang pillars: ang pagtigil ng fossil fuel expansion; pag-phase-out ng uling, langis, at gas, at ang maayos na pag-transisyon sa malinis at renewable energy.
Tulad ng lagi kong sinasabi, ang usapin ng climate change ay para sa lahat. Hindi batayan ang taas ng pinag-aralan o estado sa buhay para magkaroon ng concern para sa kalikasan, at gumawa ng makabuluhang pagkilos para ayusin ang mga mali nating gawi at nakaugalian.
Sa bawat isa sa atin magsisimula ang pagbabago.
- Latest