^

PSN Opinyon

Kung saan ang mana

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Puwedeng mamatay ang isang tao na walang iniiwan na last will and testament. Kung namatay ang isang tao na walang testamento pero may iniwan na kayamanan ay dapat muna na magsampa ng petisyon sa korte para may italagang administrador sa kanyang naiwang estate. Kung namatay ang tao na may iniwang testamento ay magsa­sampa pa rin ng petisyon sa korte para magkaroon naman ng “executor” na siyang mamamahala sa pagpapa­tupad ng kanyang naiwan na testamento.

Kung sa testamento ay walang binanggit na tao na siyang magiging executor ay puwedeng ang korte ang magtalaga ng isang “Special Administrator” na siyang gagawa ng tungkulin na ipatupad iyon.

Sa pagtatalaga ng administrator o executor ay puwede­ kaya na hindi siya isang Pilipino? Halimbawa ay isang banyaga o non-Filipino citizen ang italaga. Ito ang tanong na sasagutin sa kaso ng mag-asawang Manny at Minda.

Legal na kasal sina Manny at Minda. Ilan taon na din sila na nagsasama. Sa kasamaang palad, namatay si Manny­ na walang iniwan na testamento. Ang biyuda niya na si Minda­, pati mga anak nila na si Connie at Nina saka si Jimmy na anak daw sa labas ang tumayong mga taga­pagmana niya. Si Jimmy ang nagsampa ng petisyon para italagang admi­nistrador pero matindi itong tinutulan nina Minda at Connie.

Bandang huli ay si Connie ang naging administrador ng naiwang ari-arian ni Manny bilang pinakamalapit niyang kamag-anak. Si Nina noon ay nakatira sa U.S. at walang kamalay-malay sa mga nangyayari sa kaso.

Siyam na taon pagkamatay ni Manny ay namatay din si Minda. Nag-iwan siya ng huling testamento at ginawa niyang executor ang isang matapat na tauhan na si Eddie­ na itinuring niyang anak. Nagsampa si Eddie ng petisyon sa korte para aprubahan nito ang iniwang testamento saka pati ang pagtatalaga sa kanya bilang executor pero matindi itong tinutulan ni Nina. Ipinipilit ng babae na siya dapat ang gawing administrador.

Isang taon ang dumaan at tinanggal bilang administrador­ si Connie. Ipinalit sa kanya si Nina. Nagsampa si Connie ng mosyon para humingi ng rekunsiderasyon sa korte. Pinagbigyan naman ito. Hindi raw uubrang administrador si Nina dahil U.S. citizen na siya at hindi isang residente ng Pilipinas. Si Eddie raw ang pinakamabuting gawing tagapamahala dahil dati siyang pinagkatiwalaan nina Manny at hawak pa niya ang ibang shares o kaparte ni Manny sa broadcasting corporation nito na parte pa rin sa kayamanang iniwan ng lalaki.

Kontra rito si Jimmy na bastardong anak ni Manny. Kaya tinanggal bilang administrador sina Eddie at ibinalik si Nina bilang kapalit ni Connie. Hindi rin kasi nagampanan ni Eddie ang kanyang tungkulin sa maayos na paraan.

Parehas ang naging hatol ng korte sa ginagawang pag-apruba sa testamento ni Minda. Ang dalawang estate na pag-aari ng mag-asawang Manny at Minda ay hawak na ngayon ni Nina at siya ang nag-iisang tagapamahala. Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol. Tama ba ang RTC at CA?

Ayon sa Supreme Court. tama sila. Ang tinatawag na special administrator ay isang tao na pansamantalang itinalaga ng korte para pangalagaan at panatilihin ang kayamanan na iniwan ng namatay hanggang sa magkaroon ng regular na executor o administrador ang estate. Kinukunsidera siyang tauhan ng korte at hindi kinatawan ng kahit sinong panig. Depende sa korte kung sino ang itatalaga basta’t hindi nito aabusuhin ang kapangyarihan bilang probate court at hindi makikialam ang mga nakatataas na hukuman.

Kaya nararapat lang na bantayan at kontrolin siya ng korte. Inaasahan din na para sa interes ng estate ang kanyang ginagawa para mas mapadali ang pag-aayos at administrasyon ng estate.

Ang patakaran sa pagpili at pagtanggal ng regular na administrador ay hindi ginagamit sa pagtatalaga ng special administrator. Sa kanilang pagtatalaga ng special administrator ay hindi limitado ng batas (Rule 78, Section 1 and 6, Rules of Court) patungkol sa regular administrator ang korte.

Puwedeng maglagay at magtanggal ang korte ng special administrator na labas sa dinidikta ng batas, halimbawa ay kung sino ang pinakamalapit na kaanak sa namatay. Basta importante na ginamit ng korte ang karapatan na pumili na hindi inaabuso ang kapangyarihan, pati binalanse ng rason, pagkakapantay-pantay, hustisya at prinsipyong legal pati hindi pinakialaman ng nakatataas na hukuman ang hatol.

Ang pagiging U.S. citizen ni Nina ay hindi hadlang para siya maging special administrator sa mga estate nina Manny at Minda. Ang hinihingi naman sa Rule 78, Section 1 ay isa siyang residente ng Pilipinas at hindi sinabi na dapat na Filipino citizen din siya.

Isa pa, nakatira naman talaga si Nina sa Pilipinas pagkaraan na mamatay ang nanay niyang si Minda. Malinaw na kaya niyang gampanan ang trabaho bilang special administrator kahit pa hindi siya isang mamamayan ng ating bansa. (Ito ang desisyon sa kaso na In the Matter of the Petition for Approval of the Will of Gloria Vda. de Cea, Gozum vs. Pappas, G.R. 197147, February 3, 2021).

KORTE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with