EDITORYAL - Mga nakukumpiskang shabu, sirain na agad!
Kung ang mga nakukumpiskang shabu ay sinisira agad at hindi na itinatago pa, wala sanang problema ngayon ang mga senador na nag-iimbestiga sa kaso ng droga na sangkot ang mga pulis. Pero dahil iniipon para raw matibay na ebidensiya, ang nangyayari ngayon ay pabigat at umuubos ng oras ng mga senador na gaya nina Senators Ronald dela Rosa, Robinhood Padilla at Jinggoy Estrada.
Kasalukuyan nilang iniimbestigahan ang 990 kilos ng shabu na nakumpiska sa WPD Lending Office sa J. Abad Santos, Tondo, Maynila na pag-aari umano ni MSgt. Rodolfo Mayo, dating miyembro ng PNP-Drug Enforcement Group (PDEG) noong Oktubre 8, 2022.
Halos lahat ng mga opisyal at miyembro ng PDEG ay sangkot sa “cover-up” ng shabu. Nakakulong na si Mayo at kanyang superior. Pero noong Martes, sa pagpapatuloy ng senate investigation, ayaw magsalita si Mayo at pitong iba pang PDEG policemen na sumalakay sa tanggapan na kinaroroonan ng shabu.
Sa galit nina Dela Rosa, Padilla at Estrada, pina-contempt ang pitong pulis at ikinulong sa Senado. Bago iyon, lumuhod muna si Dela Rosa at nagmakaawa sa mga pulis na magsabi na ng katotohanan. Una nang sinabi ni Dela Rosa na niloloko sila ng mga pulis sapagkat paiba-iba ang sinasabi ng mga ito. Hindi rin siya naniniwala na kayang “mag-ipon” ni Mayo nang nag-iisa nang napakaraming shabu na halos umabot ng isang tonelada. Noong nakaraang linggo, gusto nang suntukin ni Dela Rosa ang mga pulis dahil sa paiba-iba at pabagu-bagong testimonya.
Ang mga pulis na pina-contempt at pinakulong ay sina Police Master Sgt. Carlo Bayeta, Patrolman Hasan Kalaw, Patrolman Dennis Carolina, Patrolman Rommar Bugarin at Patrolman Hustin Peter Gular. Kasama rin na pina-contempt ang superior ni Mayo na si Lt. Colonel Arnulfo Ibañez.
Nauubos ang oras ng Senado dahil sa pag-iimbestiga. Dapat maghain si Dela Rosa at iba pa ng panukala na kapag nasamsam ang shabu, agaran na itong sirain para hindi na nananakaw at nire-recycle ng mga “scalawags” na pulis. Tiyak, ang nahuli kay Mayo ay mula sa mga nakumpiska nila sa operation. Inipon nila at siya (Mayo) ang nag-ingat. Kaya nagtuturuan ngayon ang mga kasabwat niyang “bugok”. Kanya-kanyang lusot. Nakakahiya ang PNP!
- Latest