^

PSN Opinyon

Katinuan mula sa kinakain

SAPOL - Jarius Bondoc - Pilipino Star Ngayon

Grabe ang pagkaulyanin ng tiyo kong abogado’t negos­yante. Hindi na maalala na dati siyang pinuno ng Lions at Rotary Clubs. Nakakalimutan kung saan sa mall ipinarada ang kotse niya. Minsan nagtraysikel pauwi, iniwan ang sasakyan at misis sa party. Nilunasan ng doctor ang dementia. Pinakain siya ng puro makolesterol: balut, bulalo, utak ng baka. Makalipas ang dalawang buwan, bumalik ang dating talas ng isip niya. Naging matatas muli magtalum­pati sa publiko.

Kunektado ang utak at bituka. Pumapasok sa dugo ang sustansiya at latak at umaabot sa ulo. Alam ‘yan ng lahat ng nasobrahan sa inom ng alak. Sa paglamon ng mga paboritong putahe, tumataas ang blood sugar. Pinalalago nito ang endorphins o happy hormones, nagpapasaya.

Nasa protein ng hayop, tulad ng pata tim, inasal o kinilaw, lahat ng amino acids na kailangan ng katawan. Nag­bubunsod ang tyrosine at tryptophan ng dopamine, neuro­transmitter ng saya at pananabik; at serotonin na kumo­kontrol ng disposisyon. Sagana sa brussels sprouts ang folate, nagpapabilis ng isip. Pupog ang cranberries ng Vitamin C; ginagawang noradrenaline ang dopamine, isa pang neurotransmitter kontra depression.

Sa rami ng kaso ng mental disorder, sinasaliksik nga­yon ang nutrisyon ng utak. Espesyal na sustansiya ang kailangan ng utak, ang pinakamasalimuot at matrabahong organ ng katawan. Meron ngayong sangay ng medi­sina na nutritional psychiatry.

Nu’ng 1912 pa inulat na mabuti sa utak ang ilang micro­nutrients. Nadiskubre ang thiamine o Vitamin B1, pangon­tra­ beriberi na umaatake sa central nervous system. Makalipas ang kalahating siglo, pinanggamot ang Vitamin B3 sa schizophrenia. Ginamit din ang nutrisyon kontra psy­chosis, o taliwas na pananaw ng pasyente sa rea­lidad. Ngayon maramihang B6 ang pangontra sa anxiety­. At maramihang B12 at Vitamin D pangontra-depression. Mabuti ang Vitamin C, pero ang alyas “C” o cigarets ay nagpapababa ng oxygen sa utak.

ROTARY

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with