Mataas na revenue collection ng Makati
Maligayang Araw ng mga Manggagawa, Proud Makatizens!
Binabati ko po ang lahat ng masisipag at matiyagang empleyado at manggagawa hindi lamang sa Makati, kundi sa buong bansa. Kami po ay humahanga at sumasaludo sa inyong sipag at dedikasyon sa inyong trabaho.
***
Ito ang balitang talagang nakaka-proud. First quarter pa lamang ng taon ay na-hit na ng Makati ang 72% ng revenue target natin para sa 2023. Yes naman! Nakakolekta na tayo ng P12,925,503,905.76 nitong katapusan ng Marso. Ang target para sa buong taon ay P17.85 bilyon.
Ayon sa data ng Office of the City Treasurer, mas malaki ng 18% ang koleksyon ngayong taon. Ang ibig sabihin nito ay talagang masigla na ang ekonomiya ng lungsod, at tuluy-tuloy na ang pagbangon natin mula sa epekto ng pandemya.
Nakahinga na ako nang maluwag nang makita ko ang bonggang double-digit increase sa revenue collection ng Makati. Nagpapasalamat ako sa mga bagong investors, mga negosyante, at mga organisasyong nag po-promote ng business and commerce sa ating komunidad.
Batay sa data ng Business Permits Office (BPO), mayroong 1,343 bagong business registrants sa Makati sa unang quarter ng taon. Umabot sa mahigit P5.9 bilyon ang kanilang pinagsamang capital investment. Bukod pa dito ay 34,436 businesses ang nag-renew ng kanilang business permit, at nag-ulat ng pinagsamang sales na mahigit P1.64 trilyon noong 2022.
Dagdag na good news din na tumaas ng 33 percent ang koleksyon mula sa business tax na may kabuuang P7.07 bilyon nitong Marso, kumpara sa P5.27 bilyon noong Marso 2022. Nakamit na rin ang 71 percent ng target para sa business tax sa buong taon, na may kabuuang P9.90 bilyon.
Gumanda rin ang koleksiyon sa real property tax. Umabot tayo ng P4.84 bilyon na lampas pa sa target ng Makati para sa buong 2023! O divah, sobrang nakakataba ng puso ang mainit na pagtanggap ng business community sa ating revenue collection campaign.
Dahil sa kanilang pagsunod sa ating panawagan na magbayad ng tamang buwis bago ang deadline ay mabilis nating na-meet ang ating mga target. Ang mga pondong nalikom ang ating ibu-budget para sa napakaraming social services at mga programa sa health, education, at iba pang serbisyo para sa Proud Makatizens.
Sa kasalukuyan, ang Makati ay isa sa iilang local government units sa bansa na hindi umaasa sa national tax allotment o NTA (dating Internal Revenue Allotment o IRA).
Ipagpapatuloy natin ang magagandang programa natin para sa business and commerce sa Makati. Kasama dito ang pag-digitize ng mga payment at forms para maging mas madali ang pagsisimula at pagpapatakbo ng mga negosyo sa lungsod.
Naniniwala ako sa lakas ng ating pagtutulungan at kooperasyon. Eto na nga at sama-sama na tayong nakakabangon at nagpapalakas ng ating mga negosyo at industriya sa Makati. Ang pag-angat ng isa ay nakatutulong sa lahat, kaya go lang sana tayo sa pagtangkilik ng mga negosyo sa Makati at pag-iimbita ng mas marami pang bisita sa lungsod.
Maraming salamat sa inyong lahat!
- Latest