^

PSN Opinyon

Nagdeliber ng furniture, hinuli at ikinulong

UNFILTERED - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

Inhustisya at pang-aapi ang sinapit ng isang driver at kasamang pahinante sa mga pulis sa Ormoc, Leyte.

Sino ba naman ang hindi mabubuwisit. Inutusan lang ng amo na kumuha ng mga finished product na furniture, hinuli at ikinulong na ng mga pulis.

Kaya ang driver na si Leonardo Boholst at pahinanteng si Christian Senillo, lumuwas pa mula Leyte para lang mag­sumbong sa #ipaBITAGmo.

Giit daw ng mga arresting officer na pumara sa kanila sa checkpoint, wala silang maipakitang permit kaya sila inaresto. Ang mga miyembro na ito ng Ormoc City Mobile Force Company, ni hindi man lang daw sila binasahan ng Miranda rights, at binigyan ng abogado.

Pagdating sa headquarters, kinasuhan ang mga pobre ng paglabag sa Presidential Decree 705 (Forestry Reform Code of the Philippines).

Sumatutal, limang araw naghimas ng matatabang rehas si Leonardo at Christian. Nakalaya lang sila matapos magpiyansa ang kanilang amo ng P40,000 kada tao.

Malaki ang pagkakamali rito ng Ormoc City Police Station 5. Walang due diligence na dapat sana tsinek muna nila yung nagbentang furniture shop.

Maling-mali na ang hinuli at ikinulong ay mga inutusang kumuha lang ng produkto. In-assume na agad ng mga pulis na ilegal ang mga kahoy na ginamit sa furniture dahil lamang walang naipakitang dokumento.

Hindi nila isinaalang-alang na kaya ito binili sa furniture shop dahil ang inisip ng kustomer lehitimo at kumpleto ang lisensiya ng shop.

Kinuwestyon ko sa programa kong #ipaBITAGmo ang maling pag-aresto na ito at pagkulong sa mga biktima.

Ang officer-in-charge ng Police Station 5 Ormoc City Police na si Cpt. Rodolfo Mercolita, panay ang paliwanag at palusot. Naghugas-kamay sa pag-aresto. Ang ginawa niyang sangkalan, Department of Environment and Na­tural Resources (DENR). Ang DENR naman ginawa lang basehan ang paghuli ng mga pulis.

Ayon sa beteranong kasangga ng BITAG sa public service na si Atty. Batas Mauricio, itinuring na agad ng mga pulis na may kasalanan o guilty ang drayber at pahinante. Maikukunsidera raw itong graft and corruption.

Alinsunod sa batas, sinumang inaakusahan ay itinuturing inosente hanggat hindi napapatunayan sa hukuman.

Tututukan namin ang reklamong ito. Ang buong istorya mapapanood sa BITAG Official YouTube Channel.

ORMOC

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with