Katiwaliano kapabayaan?
PANAHON na para linisin ang Land Transportation Office (LTO) na saksakan ng korupsyon at katiwalian.
Ilang administrasyon na ang dumaan, hindi pa rin ito masawata. Patuloy na namamayagpag dahil ang mga tiwaling matataba ang utak sa loob patuloy rin na gumagawa ng raket.
Ang kanilang mga kasapakat nabibigyan ng lisensiya kaya tuloy lang ang negosyo. Tuloy rin ang kanilang pambubukol sa gobyerno.
Ito ‘yung mga preferred clinics na nakapaligid sa LTO. Karamihan sa kanila mga hao shao o fly-by-night. Kaya sa halip na napupunta sa kaban ng bayan ang bilyones na kita, doon napupunta sa mga walang katorya-toryang favored service provider nila.
Mayroon na kaming na-BITAG na ganito noon sa LTO Tarlac, babae pa man din ang hepeng inireklamo. Mayroon siyang mga inaalagaang klinika.
Ang siste, inoobliga niyang magbigay sa kanya ang bawat klinika dahil kung hindi, hindi sila bibigyan ng accreditation. Ipinakita namin ang surveillance video ng kanyang pangongolekta sa main office kaya agad siyang sinibak sa puwesto.
Si Senator ‘Tol Raffy Tulfo nakakatanggap din ng mga ganitong uring sumbong. Kaya kamakailan, bumisita siya sa LTO Main. Gusto niyang kumpirmahin ang bilyones na nawala at patuloy na nawawala sa kaban ng bayan kada taon mula sa LTO collections dahil sa korapsyon at bulok na sistema.
Partikular na tinukoy ng senador ang kinokolektang P500 kada tao para sa vision test ng mga bagong aplikante at nagre-renew ng driver’s license. Panahon na raw para tugisin ang mga nagkasala at ituwid ang mga maling patakaran at ilagay sa ayos ang pamamalakad sa ahensya.
Ito ang dapat tingnan ng mga namumuno sa Department of Transportation (DOTr). Baka kasi hindi nila alam ang nangyayari sa kanilang departamento.
Kaya kaming mga Tulfo Brother kumakatok sa tanggapan ng DOTr. Layunin namin na tumulong para tuwirin ang mga mali.
Kasi kung walang magrereklamo, hindi mabubunyag ang problema. Walang mabibisto, walang masasampahan ng kaso hindi mabubunyag ang mga bahong itinatago at hindi mababago ang bulok na sistema.
- Latest