Tagumpay ang ‘Capiztahan 2023’
DUMAGSA ang mga turista sa “Capiztahan 2023” na inorganiza ni Capiz Governor Fred ‘Oto’ Castro kaya marami sa mga Capiznon ang kumita ng datung at nai-promote pa ang seafoods products ng lalawigan. Ang Roxas City ay kinilalang SeaFood Capital of the Philippines dahil dito nagmumula ang mga sariwa at matatabang alimango, sugpo, talaba, dewal (elephant shell) suwahe at iba’t ibang shell.
Ang Capiz ay napapaligiran ng mga palaisdaan na halos lahat ng mga nakukuhang seafoods dito ay inaalagaan sa natural farming kaya masarap at matataba. Kaya ipinagmamalaki ito sa ibang panig ng mundo. Malaking bagay ito para sa mga Capiznon dahil nailuluwas ang kanilang mga produktong seafoods na napagkakakitaan ng sapat.
Sa unang araw ng Capiztahan ay nagtungo rito si Vice President Sara Duterte at dating President at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo na ngayon ay kinatawan ng Pampanga.
Naging mapayapa ang buong selebrasyon dahil maraming pulis ang nagbantay sa utos ni Police Regional Office 6 director BGen. Leo Francisco. Noong Sabado, lumibot ang float parade sa city proper ng Roxas City ang capital city ng Capiz. Nagkalat din ang mga sound system na talaga namang mapapayugyog ka sa saliw ng musika. At ang pinaka-nakakapansin dito ay ang mga kiosk na itinayo ng ilang negosyante sa gilid ng kalsada kung kaya mabibighani ka sa masasarap na lutong seafoods.
Kaya karamihan sa mga nakisaya sa selebrasyon tiyak na hahanap-hanapin nila ang masarap na pagkain at ang magandang hospitality ng mga Capiznon.
Hindi lang naman sa city proper nagtungo ang mga tourist dahil lumibot ang mga ito sa iba’t ibang mga kabayanan upang magtampisaw sa malinis na baybayin, bukal o resorts. Katulad na lamang sa Barangay Pawa, Panay, Capiz na kung saan mare-relax ka dahil sa malinis na baybayin at murang mga cattages. Ang ilan naman ay nagtungo sa President Roxas (Lutud-lutod) kung saan, napakaraming natural waterfalls.
Ang kapansin-pansin lang sa lugar ay ang pagsulpot ng mga peryahan. Maraming kabataan ang nalululong sa pagtataya ng “hatak barok” color games at number roleta. Ang duda ay may basbas ito ng mga local government units (LGUs). Hindi kayang sitahin ng kapulisan ang patuloy na operasyon ng peryahan na gumugumon sa mga kabataan sa pagsusugal, maging ang mga isang kayod isang tuka na mga Capiznon ay kabilang din sa mga nalululong sa sugal.
Panawagan kay Governor Castro, hanggang kailan ba ang pamamayagpag ng mga peryahan sa Capiz? Kailan niya ipasasara ang mga peryahan na ang pangunahing pinagkakakitaan ay sugal na kinahuhumalingan ng mga kabataan.
Abangan!
- Latest