^

PSN Opinyon

Nagkamali sa akala

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Si Dario ay ikinasal kay Lucy sa Quezon City. Hindi nagtagal,  kumuha ng diborsyo si Lucy sa U.S. Sa pag-aakalang diborsyado na siya sa babae ay pinakasalan ni Dario si Nelly sa U.S. mahigit 17 taon pagkatapos na makasal siya kay Lucy. Pero pagkaraan ng 11 taon ay naghiwalay din sina Dario at Nelly. Tatlong taon pa ang dumaan at naisipan ni Dario na kumuha ng judicial declaration mula sa hukuman tungkol sa pagpapawalambisa ng kasal niya kay Lucy.

Noon nalaman ni Dario na Filipino citizen pa si Lucy nang kinuha ang divorce decree sa U.S. kaya ang kasal nila ay nana­natiling legal at may bisa nang pakasalan niya si Nelly. Ang ginawa ni Dario ay agad na nagsampa ng petisyon sa korte para maipawalang-bisa ang pangalawang kasal niya kay Nelly dahil bigamous at bawal ito sa ilalim ng Art. 35 (4) ng Family Code. Kinontra naman ni Nelly ang petisyon at ipinipilit na legal ito sa ilalim ng Art. 26 at hindi ipinagbabawal sa Art. 35 (4) ng Family Code dahil siya ay U.S. citizen. Palusot lang daw ito ni Dario para makaiwas sa isinampa niyang kaso sa paghihiwalay ng kanilang mga ari-arian.

Matapos ang paglilitis, naglabas ng desisyon ang hukuman at dineklara na walang bisa ang kanilang kasal. Pero inutos­ ng korte na magbayad si Dario kay Nelly ng moral damages na P250,000 exemplary damages na P100,000 at gastos sa abogado na P150,000. Ayon sa korte, walang kaka­yahan noon si Dario na magpakasal kay Nelly dahil kasal pa siya kay Lucy kaya malinaw na “bigamous” ang kanilang kasal sa ilalim ng Art. 35(4) ng Family Code. Dapat lang daw magbayad si Dario ng danyos (moral damages, exemplary damages and attorney’s fees) kay Nelly dahil­ hindi niya nirespeto ang kasagraduhan ng institusyon ng kasal. Labag sa moralidad at interes ng publiko ang ginawa niyang pagkuha ng pangalawang kasal samantalang umi­iral pa ang unang kasal niya. Dapat din siyang magbayad ng exemplary damages dahil may bad faith sa kanyang ginawa. Nararapat din siyang magbayad ng attorney’s fees dahil napilitan si Nelly na kumuha ng abogado para protektahan ang kanyang interes.

Sa kanyang apela sa Court of Appeals ay inalis ng CA ang moral at exemplary damages pati attorney’s fees. Hindi naman daw sinadya ni Dario ang ginawang pagpapakasal sa pangalawang beses dahil sa kanyang buong akala ay legal ang divorce decree na kinuha ng unang asawa sa paniniwalang American citizen na ito. Hindi raw kumilos si Dario na taliwas sa batas at hindi niya sinadyang man­loko o mandaya kaya dapat lang burahin ang utos na magbayad ng exemplary damages at attorney’s fees dahil pareho lang naman gumastos ang magkabilang panig para protektahan ang kanilang interes. Tama ba ang CA?

Tama, ayon sa Supreme Court. Dagdag pa ng SC ay hindi naman napatunayan na sinadya ni Dario na gumawa ng kamalian o “bad faith”. Hindi kumbinsido ang korte na nag­pakasal si Dario sa pangalawang pagkakataon habang alam niya na umiiral pa ang unang kasal. Sa buong pag-aakala niya ay legal ang divorce decree dito sa Pilipinas. Dahil kung alam niya na umiiral ang unang kasal ay hindi niya sasadyain na magpakasal sa pangalawang pagkakataon lalo kung may posibilidad na makasuhan siya sa bigamy. Hindi siya dapat pagbayarin ng danyos lalo at hindi naman napatunayan na may taglay siyang “bad faith” o masamang hangarin nang magpakasal kay Nelly. Ang bad faith ay hindi lang basta kapabayaan kung hindi estado ng pag-iisip na nag­papakita na may masamang layunin ang taong sangkot.

Sa kasong ito, alam ni Nelly na may ilang isyu pa tung­­kol sa unang kasal ni Dario na maaaring magkaroon ng epekto­ sa legalidad ng kanilang kasal pero hindi niya pinansin pati hindi siya nag-abalang magsampa ng kaso para protek­tahan ang sariling interes. Kaya kung walang moral da­mages, dapat na wala rin ang exemplary damages (Mercado vs. Ongpin, G.R. 207324, September 30, 2020).

LUCY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with