^

PSN Opinyon

Tinalo ni Attorney ang mag-utol

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Isang disbarment case ito na isinampa ng ex-girlfriend ng isang abogado. Tawagin na lang natin ang babae sa pangalan na “Tessie” at ang abogado ay si Atty. Reyes. Matagal­ na niyang kilala si Atty. Reyes mula pa noong nasa kole­hiyo sila at nagkaroon lang sila ulit ng ugnayan sa pamama­gitan ng social media. Madalas na ang dalawa na magkita para humingi ng payo ang dalaga tungkol sa problema ng kapatid nitong lalaki na nakatira sa ibang bansa at gustong magpawalang-bisa ng kasal para tuluyang makapagtrabaho doon.

Nangako si Atty. Reyes na may kilala siyang judge sa probinsiya na makapaglalabas ng desisyon pero kapalit ang tamang halaga. Agad na tinawagan ng babae ang kapatid nitong si Bert na pumayag naman na hawakan ni Atty. Reyes ang kaso kapalit ng halagang P180,000.00. Dalawang bigay ang mangyayari. bale P90,000.00 pagkatapos tanggapin ng abogado ang kaso at ang natitirang P90,000.00 pagkaraan na magkaroon ng desisyon. Ibi­nigay agad ni Bert ang P90,000.00 na paunang bayad at hindi nagtagal ay inabot ni Atty. Reyes ang desisyon kay Bert. Pero nang pumunta sa NSO (National Statistics Office) ay lumalabas na walang rekord ang nasabing kasal. Hinanap ni Tessie si Atty. Reyes pero hindi na nagpakita sa kanya ang lalaki. Ang laking sakit ng ulo ang idinulot ng pangyayari kina Tessie at Bert. Bandang huli, napilitan si Tessie na magpadala ng demand letter kay Atty. Reyes para ibalik nito ang P90,000.00 pati interes dahil sa perwisyong dinulot ng pekeng desisyon na ibinigay ng abogado sa kanila.

Nakiusap si Atty. Reyes kay Tessie na huwag siyang sam­pahan ng kaso at gagawa raw ng paraan ang lalaki para makakuha ng tunay na desisyon sa annulment. Lumakad ang panahon pero walang nagawa si Atty. Reyes dahil nga peke ang hawak niyang desisyon. Inamin naman niya na sangkot siya sa ganitong mga tinatawag na “annulment package” pero hindi raw siya ang may pakana nito.

Nais lang daw niya na tulungan si Tessie at sa proseso ay siya pa ang naloko. Sa rekomendasyon ng IBP(Integrated Bar of the Philippines) Board of Governors ay sinuspinde siya sa loob ng limang taon sa tinatawag na “practice of law”. Samakatuwid ay pinagbawalan na gamitin ang nalalaman bilang abogado sa loob ng limang taon.

Kinatigan ng Supreme Court ang desisyon ng IBP Board of Governors pero imbes na suspendihin si Atty. Reyes sa loob ng limang taon ay binago ang hatol at tuluyang tinanggalan ng lisensiya ang abogado. Ayon sa SC ay imbes na makabawas sa bigat ng kasalanan niya ang nangyari ay lalo pa si Atty. Reyes na nadiin dahil sa binalewala niya ang propesyon na kanyang kinabibilangan dahil nga sa kanyang partisipasyon sa mga pekeng desisyon o pekeng kasalan.

Nilabag daw ni Atty. Reyes ang sinumpaang tungkulin na maging tapat at sumunod sa Saligang Batas. Pinaniwala niya ang publiko na madaling manipulahin ang proseso ng batas. Hindi dapat gumawa ng anumang panloloko ang isang abogado at hindi niya dapat lokohin o payagan ang anumang uri ng kasinungalingan o pandaraya sa korte para maniwala dito ang huli.

Ang ginawa niyang paglalabas ng pekeng desisyon ay walang pag-aalinlangan na pumapasok sa ipinagbabawal ng CPR (Code of Professional Responsibility). Ang pagiging abogado ay hindi isang natural na karapatan sa ilalim ng Saligang Batas kundi isang pribilehiyo o prangkisa. Iyon lang may malinis na karakter at may espesyal na kwalipikasyon ang tinatanggap. Inamin ni Atty. Reyes ang kanyang pagkakamali at humingi ng kapatawaran sa kanyang nagawa.  Huwag daw siyang husgahan dahil lang dito at kinumpara pa ang kanyang tinamong mga parangal.

Humingi naman si Atty. Reyes ng tawad sa kanyang nagawa pero ang malinis daw ang kanyang hangarin at gusto lang talaga niyang makatulong kay Bert. Wala raw malisya sa kanyang ginawa at katunayan ay hindi niya itinakbo kundi isinoli pa ang pera gamit ang kanyang pangalan bilang nagpadala. Ang ginawa daw niya na pagsasauli ng pera ay hindi dapat gamitin na katibayan na siya ang ulo at may pakana sa nangyari na pagpeke ng desisyon.

Sa kasamaang palad, dapat tanggihan ang pakiusap ni Atty. Reyes. Ang mga kaso ng disbarment ay tunay na kakaiba o “sui generis”. Ibig sabihin ay hindi ito matatawag na kasong sibil o kasong kriminal. Walang paglilitis na sangkot. Ito ay imbestigasyon ng korte tungkol sa mga opisyales nito at ang tanging layunin ay protektahan ang interes ng publiko. Ang tanging tanong na dapat sagutin ay kung maayos pa ang ginagawa ng isang abogado at dapat pa rin siyang bigyan ng pribilehiyo na gawin ang kanyang tungkulin.

Kumbaga, tinatawag lang ng hukuman ang mga miyembro para timbangin ang kanilang sarili bilang mga opisyal ng korte para patuloy na mapanatili ang kadalisayan ng propesyon at mapatupad ang maayos at tapat na administrasyon ng hustisya sa bansa. Tinatanggal ang lahat ng mapatunayan na hindi na karapat-dapat sa tungkulin. Dahil sa ginawang paglabag ni Atty. Reyes sa kanyang lawyer’s oath at sa CPR ay binubura ang pangalan niya sa Roll of Attorneys at pinagbabawalan na siya na gamitin ang propesyon bilang isang abogado (Bartolome vs. Reyes, AC 13226, October 4, 2022).

NSO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with