Ano’ng mapapala nila sa con-con?
Ininterbyu ko kamakailan si kaibigang Rep. Rufus Rodriguez tungkol sa panukalang constitutional convention. Una kong tanong ay kung ibabawal ang pagtakbo ng political dynasts bilang delegado sa con-con.
Sagot ng chairman ng House Committee on Constitutional Amendments: “Kahit sinong mamamayan na nasa hustong edad, pati political dynasts, ay maaring kumandidato. Karapatan nila ‘yan.”
Agad tinabangan ako sa con-con. Walang mapapalang reporma dito. Malamang pa ngang lumala ang kalagayan ng bansa.
Oo nga’t karapatan ninoman sa 1987 Constitution na humalal at mahalal. Pero utos din nu’n na alisin ang political dynasties. Ito’y para magka-oportunidad lahat na mapuwesto sa gobyerno.
Utos din ng Constitution na isabatas ng Kongreso ang pagbawal sa dynasties. Pero 36 taon na, hindi pa ito ginagawa.
Ang dahilan: Karamihan ng kongresista ay dynasts. Ayaw nila harangan ang sarili, asawa, anak, magulang at kapatid sa puwesto.
Negosyong pampamilya na ang politika. Ginagawa lahat, pati pandaraya para mapuwesto sila-sila. Bilyong-piso ang pinupuhunan. Bilyong-piso rin ang kinukurakot mula sa kaban ng bayan. Wala tuloy natitira para sa kapakanan ng madla.
Paulit-ulit inuulat ang tatlong kambal na suliranin: Political dynasticism-inequality-corruption. Puksain mo kahit ano sa isa at mabubura ang dalawa pa.
Pagkakataon na sana ang halalang con-con na buwagin ang dynasts kung ibawal sila mag-delegado. Magkakapantay-pantay sa lipunan; malilinis ang kalakaran.
Pero dahil papayagan sila mag-delegado, lalala ang sistema. Sa botohan pa lang sa panukala, 301 ang yes, 7 ang no, 0 abstain, at 4 absent.
Asahan na sa con-con ay pahahabain ng dynasts ang termino nila; aalisin pa ang mga limitasyon. Mas matinding ligaya nila.
- Latest