Mga pulitiko umaabuso kasi walang kumokontra
Pagrabe nang pagrabe ang pag-abuso ng political dynasts sa taumbayan. Wala kasing kumokontra. Dadalawa ang menorya sa Senado at walo sa Kamara de Representantes. Lupaypay ang mga partidong Oposisyon. Kaya nagnanakaw ng pork barrels ang super majority sa kongreso. Kumi-kickback ang mga taga-Ehekutibo sa mga kontrata ng gobyerno. Binubulsa ang confidential/intelligence funds.
Alam din ng political dynasts na lasog na ang rebeldeng New People’s Army. Maliliit at manaka-naka lang ang mga opensiba nito. Tinutugis sila ng mga sundalo. Barangay officials lang ang kaya nilang patayin o disiplinahin. Hindi na nila kayang mag-assassinate nang malalaking tao, tulad ni U.S. Col. James Rowe sa Metro Manila nu’ng 1989.
Wala nang hustisya kontra katiwalian. Nangangamatay ang Pilipino sa baha at sunog, dahil binubulsa ng political dynasts ang pondong pang-flood controls at slum rehab. Nagkakasakit ang mamamayan dahil kinupit ang P15 bilyon ng PhilHealth at P42 bilyong pandemic supplies ng Pharmally.
Baon sa P13.6-trilyong utang ang bansa. Winaldas ito sa walang kuwentang Sinovac at Sinopharm COVID-19 vaccines ng China. Sinayang din ang P30 bilyong pang-National ID cards na naging photocopies lang.
Hindi malaman kung saan ginasta ang P17.1 bilyong 2022 pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict. Malamang hindi rin ma-audit ang P10 bilyong NTF-ELCAC 2023 budget.
Imbis na ibulsa ang kokonting pera ng bayan, ipambili sana ng mga kagamitang pandepensa. Kailangan ng Navy ng dagdag pang barko, at ng Air Force ng fighter jets kontra pamamasok ng China sa West Philippine Sea. Problema nga lang, balewala sa political dynasts ang soberenya ng Pilipinas. Maka-China sila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest