Housing program para sa Quezon City teachers, non-teaching personnel
NAPAKALAKING karangalan para sa Quezon City ang magsilbi bilang launching pad ng flagship housing program ni President Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr.
Kamakailan lang, sa ating siyudad inilunsad ni President Marcos ang “Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino.”
Layon ng programang ito na lumikha ng isang milyong housing units sa iba’t ibang bahagi ng bansa kada taon sa susunod na anim na taon para mapunan ang 6.5 million na housing backlog sa bansa.
Kahapon, may panibagong housing project na naman ang nakatakdang madagdag sa programang ito ng ating pambansang pamahalaan.
Ating pinasinayaan kasama si Vice President Sara Duterte ang QCitizen Homes Republic Residences na may walong five-storey residential buildings at isang twelve-storey residential building para sa public school teachers at non-teaching personnel na naninirahan sa Quezon City.
Sumama rin sa groundbreaking at paglagda sa memorandum of understanding si dating Presidente at ngayo’y Pampanga 2nd District Rep. Gloria-Macapagal Arroyo.
Sa ilalim nito, maglalaan ng pabahay ang Quezon City sa mga kuwalipikadong public school teachers at non-teaching personnel na nakatira sa lungsod sa ilalim ng kaparehong termino at kondisyon sa iba pang government workers na nasa katulad na socio-economic category.
Lubos akong nagpapasalamat kay VP Sara sa pagkilala nito sa pangangailangan ng mga guro at pagbibigay sa kanila nang malaking inspirasyon para lalo pang hasain ang talino at husay ng ating mga kabataan na itinuturing na pag-asa ng bayan.
Nagpapasalamat din ako kay dating President Arroyo, na nag-utos noon na ipamahagi ang ilang bahagi ng NGC site sa mga lehitimong residente ng Quezon City sa pamamagitan ng socialized housing project.
Malaki rin ang ating pasasalamat sa National Housing Authority (NHA) sa napakalaki nitong tulong sa pagpapatupad ng malawakang housing program sa Quezon City.
Kapwa kami umaasa nina VP Sara at dating President Arroyo na makakamit na rin ng ating mga guro ang pinapangarap na tahanan sa lalong madaling panahon.
- Latest