Reward na droga sa tipsters
Alam kong pinabulaanan na ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ngunit patuloy na may lumulutang na testigong “tipsters” na nagsasabing droga rin ang pabuya sa kanila ng ahensya para sa mga naituturo nilang big time drug traders.
Ito’y kagaya na lang ng ibinunyag ng isang drug informant sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs sa pangunguna ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Kahit totoo ito, hindi aaminin siyempre. Ngunit kung totoo man, parang may nakikita akong logic kahit pa gawin ito ng PDEA. Wala naman itong sapat na budget para sa pabuya sa tipsters. Ang mga posibleng magnguso sa drug pushers at users ay ‘yun ding mga kasamahan nila na lulong din sa ipinagbabawal na gamot.
At porke bulto-bultong kumpiskadong droga ang hawak ng PDEA, ang pagbibigay sa mga ito ang pinakamadaling paraan para maakit ang mga impormante na ituro ang kanilang mga kasamahan.
Hindi ko sinasabing totoo ang testimonya ng tipsters sa pagdinig. Puwede rin kasi na ito ay paninira lang ng mga sindikato sa kredibilidad ng PDEA. Pero sadyang mahirap magmantina ng drug assets kung walang maiaalok na malaking pera ang pamahalaan.
Sa dinami-dami ng mga dapat ituro malamang kapusin ang buong pondo ng pamahalaan na kung tutuusin ay baka kakarampot lang kumpara sa limpak-limpak na halagang kinikita ng mga sindikato. At kung droga ang gagamiting pabuya sa mga tagaturo, walang saysay ang lahat ng pagsisikap ng gobyerno na mapuksa ang salot na ito.
- Latest