Tamang paraan sa pagpapayat; Paliitin ang bilbil
Gusto mo bang pumayat sa tamang pamamaraan? Sundin ang mga sumusunod na payo:
1. Sa mga nanay, sa palengke pa lamang piliin ang mga karne na konti lang ang taba. Ihiwalay ang taba sa laman bago pa ito iluto.
2. Mas healthy ang pag-ihaw at pag-steam ng pagkain kaysa sa laging pag-prito sa mantika. Puwede mag-ihaw ng karne o mag-steam ng mga gulay tulad ng talong, okra at talbos. Kung gusto ng healthy na sawsawan sa gulay, subukan ang suka, na nakapapayat pa.
3. Sa paggamit naman ng mantika, konti lang ang ilagay. Tandaan natin na may calories ang mantika at puwede itong magpataas ng inyong kolesterol.
4. Sa pagtimpla ng pagkain, hinay-hinay lang sa paglagay ng asin. Ang asin ang kalaban ng mga may altapresyon at may sakit sa puso. Kapag sobra ka sa asin puwede kang mag-high blood at magmamanas pa ang inyong paa.
5. Kapag naghahanda ng pagkain, bumili nitong maliit na plato. Ito iyung 9 inches na plato at huwag bumili ng 12 inches. Kailangan masanay ang ating pag-iisip na konti lang ang iyong isasandok na pagkain.
6. At kung ano ang inilagay mo sa plato, iyon lang ang kainin. Bawal ang dukut-dukot o second serving. Mga nanay, huwag piliting ubusin ang tirang pagkain. Tataba kayo niyan.
7. Bago mag-umpisa kumain, puwede ka munang uminom ng 1 basong tubig para mabusog ka ng kaunti. Puwede ring uminom ng clear soup. Kapag umiinom tayo ng mga likido, medyo nakukumbinsi natin ang ating utak na nabubusog na tayo.
8. Magbawas sa pagkain ng kanin. Kung dati at dalawang cups ng kanin ang kinakain, gawin na lang isang cup.
9. Huling payo. Dahan-dahanin lang ang pagpapapayat. Huwag gutumin ang sarili. Kumain ng pakonti-konti sa buong araw, tulad ng mansanas, saging o pandesal, para laging may lamang ang inyong tiyan.
* * *
Mga gagawin para lumiit ang bilbil
Marami sa atin ang may problema sa lumalaking bilbil, lalo na pag nagkakaedad. Kung overweight o kulang sa ehersisyo ay puwede rin lumaki ang bilbil. Ano ang ating magagawa para mapaliit ito?
Heto ang ilang payo:
1. Uminom ng isang basong tubig bago kumain. Nakabubusog ang tubig at mas kaunti ang iyong makakakain.
2. Kumain ng mas madalas pero kaunti lamang. Ang isang saging o mansanas ay puwedeng pang-meryenda na.
3. Bawasan ang pagkain ng kanin. Kung dati-rati ay 2 tasang kanin, gawin na lang 1 tasang kanin.
4. Kumain ng mas mabagal. Kapag mabagal ka kumain, mas mararamdaman mo ang pagkabusog at mababawasan ang iyong makakain.
5. Mag-ehersisyo ng tatlo hanggang apat na beses kada lingo. Subukang mag-aerobic exercise ng 30 minutos hanggang isang oras.
6. Palakasin ang masel sa tiyan. Mag-aral ng mga ehersisyo para lumakas ang tiyan, tulad ng stomach crunches.
7. Magkaroon ng tamang tindig (posture). Huwag maging kuba sa pag-upo at pagtayo.
8. Umiwas sa matatamis na inumin tulad ng soft drinks, iced tea at juices. Nakatataba ito at nakakadagdag sa laki ng bilbil.
9. Kumain ng almusal araw-araw. Kapag hindi ka nag-almusal, mas gugutumin ka pagdating ng tanghalian at mapaparami ang iyong makakain.
10. Bawasan ang pag-inom ng alak at beer. Nakalalaki iyan ng bilbil.
11. Bawasan ang pagkain ng maaalat. Ang asin at alat ay nagdudulot ng pagmamanas ng katawan.
12. Kumain ng dalawang tasang gulay at dalawang tasang prutas araw-araw. Umiwas sa matataba at mamantikang pagkain.
13. Maglakad nang madalas at umakyat ng isa o dalawang palapag ng hagdanan.
14. Bawasan ang stress at matulog nang sapat.
15. Maging masipag. Ituloy lang ang mabuting pamumuhay at regular na ehersisyo para hindi lumaki ang bilbil.
- Latest