GrowQC at HAPAG ng DILG: Mas pinalakas na food security para sa buong bansa
Nahaharap ang daigdig sa napakaraming krisis -- mula sa digmaang Russia-Ukraine, pandaigdigang inflation, climate change hanggang sa patuloy na banta ng COVID-19. Nakalulungkot ding nahaharap ang mundo sa isa pang problemang maaaring hindi gaanong pamilyar sa marami ngunit nakaaalarma. Ito ang katiyakan sa pagkain o food security. Karamihan sa halos walong bilyong naninirahan sa ating planeta ay nanganganib na makaranas ng malawakang gutom at malnutrisyon. Tayong mga Pilipino ay hindi ligtas sa problemang ito.
Kapwa naming isinusulong ng aking mister na si Nonong ang adbokasiya ng urban farming. Ito ang isang bagay na pareho naming kinahihiligan. Hindi lang dahil napagkukunan ang aming bakuran ng aming mga paboritong gulay, ngunit dahil palagi rin naming binibigyang importansiya ang nutrisyon ng aming mga anak, lalo pa’t ako ay isa ring Nutrition Ambassador ng DOST-Food and Nutrition Research Institute (FNRI).
Para sa mga nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold, ang pagtatanim ng mga gulay sa kanilang bakuran ay nagbibigay sa kanila ng katiyakan na mayroon silang makakain at mapagkukunan ng libreng masustansiyang pagkain.
Batid ang bigat ng problema ng food security, binuo ng pamahalaang lungsod ng Quezon City ang GrowQC food security program, sa pangunguna nina Mayor Joy Belmonte at si Nonong bilang kanyang Co-Chairman ng Food Security Task Force. Sinimulan ang proyektong ito bilang sagot sa kakulangan ng suplay ng pagkain sa panahon ng COVID-19 pandemic noong 2020. Bilang isa sa Galing Pook awardees, itinututirng na ito bilang isa sa mga pinakamalaki at pinakamahusay na programang nagtatampok sa urban farming.
Bunsod ng tagumpay ng GrowQC, ginamit itong modelo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at inilunsad ng ahensiya noong ika-23 ng Enero ang nationwide HAPAG (Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay) sa Barangay project.
Ang Bulaklakan Integrated Urban Farm sa Brgy. Holy Spirit -- kung saan inilunsad ang HAPAG -- ay isa sa mga unang urban farms sa QC. Katunayan, mahigit isang dekada na nga ang nakalilipas nang maya’y maya ko itong ginagawan ng feature noon sa iba’t iba naming news programs noong ako’y isang baguhang reporter pa lang. Madalas kong makapanayam si DILG Usec. Chito Valmocina -- na noo’y tinaguriang “Super Kap” bilang pinakamatagal na barangay captain ng Brgy. Holy Spirit.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos, Jr. ang lahat na makilahok sa urban farming, pati na sa composting, at iba pang mga proyektong tumutugon sa food security at waste management. Maliban sa pagtulong sa komunidad, pinalalakas din ng programa ang malasakit ng mga residente sa isa’t isa. Bukod sa pagtatanim sa sarili nilang mga bakuran, maaari rin silang magtanim nang sama-sama sa mga natukoy na bakanteng lugar sa kanilang barangay, isang magandang bonding moment para sa mga Marites o Zumba clubs sa komunidad. Kailangang magtalaga ang mga barangay ng mga lugar para sa kani-kanilang community gardens na hindi bababa ang lawak sa dalawandaang square meters ng lupa. Sa mga barangay na walang gaanong malaking lugar ay maaaring gumamit ng container gardening, o teknolohiya ng hydroponics o aquaponics.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos ang kanyang pasasalamat kay Mayor Belmonte at sa Quezon City government para sa kanilang magagandang mga proyekto kaugnay ng kanilang food security program na isa ring prayoridad ni PBBM.
“Magtanim tayo ng gulay sa sarili nating bakuran. Alam natin sa ating mga island economies/barangay, o dito sa Metro Manila, hindi naman natin kaya itanim sa ating lugar ang lahat ng gusto natin kainin. Pero pwede kang mag-ambag para mapagsama-sama sa tanim naman ng iba,” sabi ni Nonong. Sang-ayon ako sa kanya dahil malaki ang maitutulong ng ating pinagsama-samang pagsisikap, lalo na para sa mga paslit na nangangailangan ng wastong nutrisyon.
Idinagdag pa niya na kapag nasimulan na ang gulayan sa mga barangay, maaari nang isunod kung paano mapabubuti ang sistema ng pagkain (food system) at daloy ng pagkain (food flow).
Paano makakamit ang mga ito? Binigyang diin ni Nonong na mahalaga ang tinatawag na enabling environment para maisakatuparan ang mga layuning ito. “Kailangan magsimula tayo at mag-prioritize. One of the best practices na ginawa namin is to create a hunger map. Hanapin muna saan ang pinakamaraming food insecure at doon unang gawin ang mga proyekto. Data can help.”
Sa paglulunsad ng programa, ibinahagi ni Aling Madonna na nagtatanim siya ng gulay sa Bulaklakan Integrated Urban Farm sa Brgy. Holy Spirit. Ginagawa niya ito sa nakalipas na anim na taon, at sinabing nakatutulong ito para madagdagan ang maliit na budget ng pamilya dahil naghahatid ito ng libreng pagkain. Umaasa siya na lalawak pa ang programang ito sa ibang mga barangay at pakikinabangan ng mas marami pang pamilyang tulad niya.
“(Urban farming) opened our eyes during the pandemic,” sabi ni Sec. Abalos. “Nakita naman natin ang kahalagahan ng kalikasan, ang kahalagahan ng ganitong proyekto.”
Marami sa atin ang nawalan ng trabaho at naubos ang ipon sa isang kisap-mata dahil sa pandemya at mga lockdown. Salamat sa mga proyekto gaya ng GrowQC kung saan namahagi ang lokal na pamahalaan ng libreng seed starter kit, at nabigyan ang mga pamilya -- hindi lang ng seguridad sa pagkain -- kundi naibalik din ang kanilang dignidad.
Kaakibat ng food security at urban farming ang magandang nutrisyon. Gaya ng nabanggit ko kanina, maraming batang Pinoy ang bansot ang pisikal na pangangatawan at pag-iisip. Ibig sabihin, maliit sila para sa kanilang edad at nahihirapan silang matuto sa paaralan. Malaking problema ang pagkabansot o stunting sa ating kabataan, isang isyung madali sanang malutas kung mayroon lang mas malawak na access sa gulay ang mga bata at mga buntis.
Ayon sa survey ng National Nutrition Survey Report noong 2015, isa sa tatlong batang Pilipino ang hindi tama ang paglaki. Isipin niyo, future leaders ng ating bansa ang pinag-uusapan natin! Ang ugat ng lahat ng ito? Malnutrisyon.
Ibinahagi ni Abalos na nagkaroon din ng problema sa malnutrisyon ang Mandaluyong nang siya pa ang Mayor ng lungsod noon. Sa lala ng problema, ang kanyang lungsod ay kulelat sa nutrition-ranking ng 16 lungsod ng National Capital Region. “Tyinaga namin ito hanggang sa naging No. 1 kami at napunta pa sa honor roll sa buong Pilipinas pagdating sa nutrition at sa pagiging child-friendly. We go to each barangay, tinitimbang namin bawat bata at kung sino ang nahuhuli, doon kami nagko-concentrate. Magagawa natin iyon sa buong bansa…. A nutritious diet makes a lot of difference, like adding malunggay (to family meals). We will be solving this problem. All we need to do is go to the ground [and plant],” dagdag pa ni Sec. Abalos.
Sa ngayon, magsasagawa ang DILG ng imbentaryo para malaman kung saan sila magsisimula ng urban farming. Nakikipag-ugnayan na sila sa Agriculture Department at mga opisyal ng barangay para matiyak ang maayos na implementasyon ng programa.
Nakakatuwang malaman na ang lungsod kung saan ako nakatira ay may ganitong uri ng proyekto, ngunit mahaba pa ang ating lalakbayin para tayo’y magkaroon ng mas matibay na food security program sa bansa. Sa ngayon ay hindi pa puwedeng masimulan agad sa 42,000 barangay ang proyekto dahil naghahanap pa ang mga barangay ng mga bakanteng lote para sa nasabing programa. Ngunit hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Sa halip, dapat itong magsilbing inspirasyon para tayo’y tuluyang magkaroon ng food security at tamang nutrisyon sa lalong madaling panahon.
----
Watch Pamilya Talk on Facebook, YouTube and Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Please share your stories or suggest topics at [email protected].
- Latest