^

PSN Opinyon

Makasaysayan na raw

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Naaprubahan na ng Metro Manila Council ang Single Ticketing System para sa mga lalabag ng batas-trapiko. Kaya pare-pareho na ang tiket at multa sa lahat ng siyudad sa Metro Manila sa lahat ng lalabag sa trapik. Hindi raw kukumpiskahin ang mga lisensiya at maaaring bayaran ang mga multa online. Hanggang Marso 15 ang pagpasa ng mga lokal na pamahalaan ng ordinansa hinggil sa bagong sistemang ito. Makasaysayan daw ito dahil matapos ang dalawang dekada ay mapapatupad na ang single ticketing­ system. Ewan ko pero di ba puwedeng mas maagang nagawa ito at hindi inabot ng dalawang dekada?

Dalawampung violations ang saklaw ng bagong sistema. Nakita ko ang listahan at mukhang pasok naman lahat ng violations sa kalsada. Pero ang tanong na naman, mapapa­tupad ba lahat ito sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar? Sa listahang iyan, kabilang ang counterflowing, illegal parking, tricycle ban, loading/unloading in prohibited zones, defective motorcylcle accessories bukod sa mga karaniwang violations tulad ng hindi pagsunod sa mga traffic signs, walang lisensiya at coding.

Sa listahang iyan, gusto kong bigyan ng halaga ang defective motorcycle accessories. Dapat saklaw na niyan ang mga maiingay o open muffler at ang paggamit ng LED na ilaw na laging nakatapat sa kasalubong na sasakyan. Ang isa ay perwisyo ang isa naman ay peligroso. Marami ang walang konsiderasyon kung gaano kaingay ang kanilang muffler. Mga kulang sa pansin na akala mo naman kung gaano kabilis ang motorsiklo. Hindi karerahan ang mga kalsada. Matagal nang may ordinansa diyan pero hindi naman pinatutupad ng mga pulis o traffic enforcer. At ano ba talaga, bawal ba ang motorsiklo sa bike lane o hindi? Paki­linaw naman. Kung bawal hulihin naman mga lumalabag at sila pa ang arogante kapag sinita.

Ang bagong salot sa kalsada naman ngayon, bukod sa pagbalik ng mga bastos na may wangwang, sirena at body­guards ay ang mga sobrang liwanag na LED. Nakakasilaw ng mga sumasalubong na sasakyan. Baka hindi na makita ang nasa harap ng sasakyan kapag pansamantalang nasilaw ng mga motorsiklong ito. Baka may tumatawid na tao. Parang hindi naman nakatutok sa kalsada kundi sa pasalubong na sasakyan. O kaya ay iniiiwan sa high beam ang ilaw at hindi na ibinabalik sa low beam. Alam kong may mga kotse na naka-LED din pero mas nakatutok sa kalsada ang kanilang ilaw kapag low beam.

Sa totoo lang, kung talagang ipatutupad ng MMDA o PNP ang lahat ng nakalistang paglalabag ay sa tingin ko mababawasan ang trapik sa dami ng patatabihin dahil hinuli. Ganunman, para maging tunay na makasaysayan, hulihin ang lahat ng lalabag sa lahat ng oras at lugar, hindi lang kung saan makakahanapbuhay.

SINGLE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with