Payat pero malakas kumain
BAKIT may mga taong payat pero malakas kumain? Bakit din may taong mataba pero konti lang kumain?
Sagot:
1. Isang factor sa pagiging payat o mataba ay ang iyong metabolism o yung galaw ng katawan. Kapag bata ka pa (edad 30 pababa) mabilis pa ang iyong metabolism at hindi ka gaano tataba. Pero pag lampas edad 40, mabilis nang tumaba at lumaki ang bilbil.
2. Ang regular na ehersisyo ay nagpapapayat din. Kapag hindi ka nagpapawis sa exercise at lagi lang nakaupo, ay mas mabilis kang tumaba. Dapat ay magalaw tayo sa buong araw. Umakyat ng hagdanan. Maglakad-lakad sa trabaho para makabawas sa timbang.
3. May epekto din ang lahi (o genetics) sa ating timbang. Namamana rin natin mula sa ating magulang ang hugis ng ating katawan at mukha. Kapag mabilog ang mukha o malaki ang braso at binti ng magulang, ay puwede rin mamana ito ng mga anak.
4. May mga sakit na nakakaapekto sa ating timbang. Halimbawa, ang mga taong hyperthyroid ay mas pumapayat. Ang mga taong naoperahan sa gallbladder ay mas tumaba. Kapag stressed ka, puwede kang tumaba (dahil kain nang kain) o pumayat (walang ganang kumain). Depende iyan sa pagdadala ng tao.
Tandaan: Ang lahi, ehersisyo, pagkain at sakit ay ilan sa mga factors na puwedeng maka-apekto sa iyong timbang.
- Latest