Bawas paputok bawas disgrasya
KAUNTI lamang ang naging biktima ng paputok ngayon. Dahi siguro super mahal ang presyo ng paputok kaya kaunti ang bumili. Sa halip na gastusan ang pagsalubong sa Bagong Taon sa pamamagitan ng pagpapaputok, ibinili na lamang nila ng pagkain para pagsaluhan ng kanilang mga pamilya. Naging masaya pa sila.
Kakaunti ang mga naputukan na dinala sa ospital. Ayon sa Department of Health (DOH), 137 lamang ang nasugatan. Mababa ito kumpara noong 2022 na 162 ang naputukan.
Ang mababang bilang ng mga nasugatan ay dahil sa maigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP). Hindi tumigil ang PNP sa pag-iinspeksyon sa mga tindahan ng paputok. Kinukumpiska nila ang mga ipinagbabawal na paputok gaya ng Super Lola, Judas Belt, Goodbye Philippines, Boga at marami pa. Maging ang bentahan ng paputok online ay hindi nakalusot sa PNP.
Naging mahigpit din ang kampanya ng local government units (LGUs) laban sa mga nakapipinsalang paputok. Nagtipid din sila kaya wala gaanong bonggang pyrotechnics display na ginanap. Marahil dahil na rin sa kakulangan ng budget. Hindi pa kasi nakababangon sa bangis ng pandemic.
Samantala, maraming kahaharapin ang mamamayan ngayong 2023. Kabilang na rito ang pagtataas ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), Pag-IBIG fund at PhilHealth. Kahapon, inalis na ang libreng sakay sa Carousel Bus sa EDSA kaya marami ang naghihimutok. Malaking tulong sa mamamayan ang libreng sakay sa Carousel. Halos dalawang taon din ang tinagal ng libreng sakay. Apektado ang mga kakarampot ang suweldo.
Hindi naman tumitigil si President Ferdinand Marcos Jr. at katunayan, madalas ang pagdalaw niya sa iba’t ibang bansa upang manghikayat ng mga negosyante na mag-invest sa ating bansa. Maganda naman ang naging resulta sa mga pagdalaw niya sapagkat nakakapag-uwi siya nang maraming pangako nang pamumuhunan at kasunod nito ay ang paglago ng ekonomiya. Tiyak na maraming Pilipino ang magkakaroon ng trabaho.
Ngayon araw na ito, patungo si President Marcos sa China para mapaigting ang relasyon ng Pilipinas sa nasabing bansa, kasama na ang may kinalaman sa ekonomiya, pagkakaroon ng trabaho at pag-uusapan din ang isyu sa West Philippine Sea.
Nawa’y magbunga ang pagdalaw ni Marcos sa China. Magkaroon na sana ng kaayusan lalo na sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS. Hindi na maulit ang pambu-bully ng China kung saan hinaharang at hinahabol ng China Coast Guard ang mga magdadala ng supply sa Philippine Marines na naka-istasyon sa barkong BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
- Latest