EDITORYAL – Pagbabalik ng ninja cops
MALAKI ang problema sa illegal drugs sa bansa at tila hindi ito gaanong binibigyang pansin ng mga awtoridad. Kapansin-pansin na mahina ang pamamaraan kung paano mapuputol ang pamamayagpag ng drug syndicates. Hanggang ngayon, pawang maliliit na drug pushers ang naaaresto at walang bigtime drug traffickers na naitatapon sa kulungan. Araw-araw ay may nakukumpiskang shabu subalit hindi malaman kung saan nanggaling. Palaisipan ang source ng shabu.
Mas matindi pa na may mga drug enforcers ngayon na nasasangkot sa recycling ng shabu. Dalawang linggo na ang nakararaan, naaresto ng mga pulis ang isang PDEA official at dalawa niyang agents sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Upper Bicutan, Taguig City. Ang mga naaresto ay sina PDEA Southern District Office chief Enrique Lucero at agents na sina Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno. Ang kanilang driver na si Mark Warren Mallo ay inaresto rin. Nakuha sa mga suspek ang 1-kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.8 milyon. Ayon sa hepe ng Southern Police District matagal na nilang sinu-surveillance ang tatlo.
Isa pa sa nagdaragdag ng problema sa illegal drugs ay ang pagbabalik ng “ninja cops” o ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade. Isa sa mga itinuturong “ninja cop” ay si S/Sgt. Rodolfo Mayo Jr. ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) na naaresto noong Oktubre 8 at nahulihan ng halos 1-toneladang shabu na nagkakahalaga ng bilyong piso. Dati nang ipinatapon si Mayo sa Mindanao noong 2016 dahil sa pagiging “ninja cop” subalit nakabalik sa PDEG. Sabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. pinaiimbestigahan na niya ang isang mataas na opisyal ng pulisya na backer ni Mayo kaya nakabalik ito sa drug enforcement unit sa kabila ng pagiging “ninja cop”.
Nararapat na pangalanan ni Azurin ang backer ni Mayo. Paano malalaman ng publiko ang mga “kumakalong” sa ninja cop. Kung ang maliliit na pulis na sangkot sa droga ay pinapangalanan, bakit hindi ang “malalaking isda”? Dahil sa pagtatakipan sa PNP kaya dumarami ang mga scalawags na pulis. Tapusin na ang pamamayagpag ng mga scalawags sa PNP. Isalba ang PNP sa pagkawasak.
- Latest