6 security ng Manila Arena, kakasuhan sa missing sabungeros!
Merry Christmas mga kosa!
• • • • • •
May regalo ang Department of Justice at Philippine National Police sa mga kaanak ng 34 missing sabungeros ngayong Pasko. ‘Yan ay ang pagsampa ng DOJ ng kaukulang kaso laban sa anim na security personnel ng Manila Arena na dumukot sa ilang biktima. Nakitaan ng DOJ investigating panel ng probable cause laban kina Julie Patidongan, alias Dondon; Gieer Codilla; Mark Carlo Zabala; Virgilio Bayog; Johnny Consolacion, at Roberto Matillano.
Kakasuhan na ng DOJ ang anim sa Manila Regional Trial Court, ani CIDG director Maj. Gen. Ronald Lee. Ang anim ay mga security personnel ng Manila Arena na pag-aari ng gambling lord na si Charlie “Atong” Ang. “ Tulad po ng pinangako ko sa inyo na bago sumapit ang Christmas at New Year mayroon po kaming regalo sa inyo, huwag po tayong bibitaw sa laban natin na ito. Tulung-tulong po tayo dito. Malaking tulong po ang mga evidence na binibigay niyo sa amin” ani Lee sa pamilya ng missing sabungeros. Dipugaaaaa! Hak hak hak!
Maganda ang Pasko ng mga kaanak ng biktima dahil ng nakaraang linggo lang, limang pulis ang nadismis bunga sa pagdukot kay Ricardo Lasco sa Laguna noong Agosto. Hehehe! May mananagot talata sa krimen na ito.
Sa kanilang 15-page na resolution, kinonsidera ng DOJ prosecutors ang mga testimonya ng mga testigo at CCTV footages sa mga barangays na dinaanan ng sasakyan ng mga suspects palabas ng Manila Arena. Kasama sa ebidensiya ang usapan sa celfone ng biktimang si Inonog at ang kanyang tatay bago s’ya kinidnap; testimonya ng witness na si Sinfuego na positibong kinilala ang mga suspects; at CCTV footage kung saan ipinakita ang itim at gray na van na lumabas ng sabungan na sinundan ng Silver Toyota Wigo.
Natuwa si Lee at sa madaling panahon ay nagkaroon ng major breakthrough ang mga kaso ng missing sabungeros, na hanggang sa ngayon ay nawawala pa. Binigyan kredito ni Lee ang pag-usad ng kaso ang pakipagtulungan ng pamilya ng mga biktima, kasama na ang todo suporta ni Justice Secretary Boying Remulla at Prosecutor General Benedicto Malcontento. Eh di wow! Hehehe! Malapit na ding matukoy ang mastermind dito sa mga kaso, di ba mga kosa? Dipugaaaaa!
Natuwa naman ang mga kaanak ng biktima sa bagong development at ang spokesman nilang si Butch Inonog ay abot-langit ang pasalamat kay Lee, PNP at DOJ dahil hindi sila pinabayaan para makamit ang katotohanan sa kaso.. Ang kaso nina Inonog, Baccay brothers, Cristorum, Velasco at Gomez, na pawang taga-Rizal, ay isa lamang sa walong kaso na hawak ng mga bataan ni Lee.
Hinikayat ni Lee ang mga may hawak ng ebidensiya tulad ng video at ‘yaong nakakita sa pagdukot sa mga biktima na lumutang na at magbigay ng salaysay para makatulong sa imbestigasyon sa kaso. Hindi naman lulubayan ni Lee ang pag-imbestiga sa kaso hanggang lumutang ang katotohann. Abangan!
- Latest