Problema sa agrikultura
Disyembre na. Lahat naghahanda na para sa papalapit na kapaskuhan sa kabila na tumataas na ang presyo ng mga pang-noche buena. Ayon sa DTI may katuwiran daw ang pagtataas ng presyo at wala silang magagawa dahil hindi ito saklaw sa “basic necessities and prime commodities (BNPC)” kaya hindi ma-control ang presyo. Ang magagawa lang daw ay “i-monitor”. Kung wala palang magagawa ano ang silbi ng pag-monitor? Hindi naman pala mamumultahan at walang multa. Kaya mga may planong mag-noche buena itong Pasko at Bagong Taon, maglaan na ng budget at ito ang gabay kung ano ang mabibili. Ang mahalaga naman ay masaya ang pamilya kahit simple lang ang mga handa.
Presyo rin lang ang pinag-uusapan, ang presyo umano ng pulang sibuyas ay nasa P300 kada kilo na. Noon, puting sibuyas ang ubod ng mahal (hanggang ngayon din naman). Ngayong, pulang sibuyas na. Nakakaiyak. Ano ba ang nangyayari at tila wala na rin kontrol ang DTI o ang Department of Agriculture (DA) sa presyo ng sibuyas? Hindi ba “basic commodity” ang sibuyas? Hindi pa nga makasagot ang DA kung bakit tumaas at iimbestigahan pa raw kasama ang Bureau of Plant Industry (BPI). Kung ganito ang presyo ng sibuyas, ano na kaya ang magiging presyo ng mga karaniwang noche buenang pagkain tulad ng hamon, lechon, morcon, embutido, at iba pa? Magkano na kaya ang keso de bola?
Nakapagtataka talaga na ang Pilipinas na maraming lupang matataniman ay nagkukulang sa mga produktong agrikultura kung saan kailangan pang mag-angkat mula sa ibang bansa. Alam ko ang naging mainit na usapan sa Senado hinggil sa mga lupaing matataniman. Laging dehado ang mahihirap na magsasaka. At kung may tutulong man sa kanila, may ilang okasyon na binabansagang komunista at sa masamang kaganapan ay namamatay.
Maraming ahensiya ng gobyerno na ang tungkulin ay mapasagana ang agrikulturang sektor at tulungan ang mga magsasaka na maipagpatuloy ang kanilang hanapbuhay, imbis na mapilitang ibenta na lang ang kanilang lupain. Pati mga manukan at babuyan ay nagsasara dahil sa ubod ng mahal ng pakain. Masyado nang matagal ang problema ng bansa hinggil sa agrikultura. Masama ngang indikasyon na ang bansa tulad ng Pilipinas ay kinakailangan pang mag-angkat ng asin. Bakit hindi tayo makagaya sa Vietnam at Thailand? Ano ang ipinagkaiba ng mga bansa natin? Nasa tao ba? Nasa sistema ba? Nasa namumuno ba ng mga ahensiya o ng gobyerno mismo?
- Latest