Na-BITAG kaya, mananagot na!
KUNG hindi pa napa-BITAG, hindi pa raw aabot sa Clark Development Corporation (CDC) ang reklamong nakawan laban sa Hotel Seoul Clark.
Mantakin n’yo, Abril pa nangyari ang nakawan sa loob mismo ng kanilang hotel, Nobyembre na ay ayaw pa nilang sumagot sa nangyaring krimen. Ayon sa nagrereklamo, hindi raw babayaran ng hotel ang mga nawalang pera, gadgets at bag na ninakaw sa kanila.
Nobyembre 7 nang ipalabas namin ito sa #ipaBITAGmo, tumangging magpa-interview ang hotel. Sinibak na raw sa posisyon ang kanilang mga opisyales kaya walang makakapagsalita.
Para makasiguro ang BITAG, nagpadala ako ng investigative team sa Clark upang personal na makausap ang management ng hotel. Muli, tumanggi sila. Malinaw na ayaw tanggapin ang oportunidad na marinig ang kanilang panig hinggil sa reklamo laban sa kanilang hotel.
Sumatotal, walang kamalay-malay ang mga taga-CDC na may naganap na nakawan sa isa sa mga hotel sa kanilang nasasakupan. Habang kuyakoy sila sa pagpapalamig sa loob ng kanilang tanggapan, hirap na hirap naman sa paghabol ang biktima.
Ultimo ang mga pulis, nakikipagtulungan. Nagbigay ng kopya ng mga CCTV sa BITAG ng kanilang imbestigasyon at kuha ng dorobong malayang paikut-ikot sa hotel.
Gamit ang mga regular na ID at card, nabubuksan ang pintuan ng mga kuwarto.
Ayon sa CDC, bagamat papatawan nila ng “sanction” ang business permit ng hotel, hindi raw nila ipasasara ito dahil “business” pa rin itong maituturing.
Paglilinaw, hindi anti-business ang BITAG. Nagpapaalala lang kami na ang prebilehiyong “business permit” ay may kaakibat na pananagutan at responsibilidad. Kung wala kayong pananagutan sa sasapitin ng inyong mga kostumer, puwes, wala rin kayong karapatang magnegosyo.
- Latest