Guni-guni ng China pagsisimulan ng gulo (1)
SA SOUTH China Sea sumasagupa ang ambisyon ng China sa lakas ng America at kaba ng Asia. Binubundol ng Chinese coastguards ang katunggaling Vietnamese, inaagaw ang mga bahura ng Pilipinas, hinahadlangan ang oil explorations ng Malaysia at binabantaan ang fisheries patrols ng Indonesia.
Iginigiit ng China ang “indisputable historical claim” niya sa 90% ng karagatan, mula Hongkong harbor hanggang Borneo, 800 milya ang layo. Wala ‘yang batayan sa kasaysayan, saliksik ni Bill Hayton sa librong “South China Sea: The Struggle for Power in Asia”. Pero banta ang guni-guni ng China sa Pacific; maari pagsimulan ng giyera.
Dalawang kapuluan sa SCS. Ilan lang ang tunay na isla; karamihan ay bahura, bato at sandbars. Sa exclusive economic zone ng Vietnam ang Paracels na inaagaw ng China. Bahagi ng Pilipinas ang Spratlys, na inaangkin ng China, Vietnam, Malaysia at Brunei. Karamihan sa mga isla ay may pangalang British, hango sa mga barko at crew. Captain ng barkong magbabalyena si Richard Spratly na buminyag sa isla ng Malay Empire nu’ng 1843. HMS Iroquois ang pinagpulutan ng Iroquois (del Pilar) Reef na nag-survey nu’ng 1920. At marami pang iba.
Nang bansagan ng isang Chinese committee ang sea features nu’ng 1935, literal lang na isinalin sa Mandarin o Taiwanese ang mga salitang British. Ang Antelope Reef sa Paracels ay ginawang Ling Yang, “usa” sa Chinese. Ang North Danger Reef sa Spratlys ay naging Bei xian, direktang translation. Naging literal na Si-ba-la-tuo ang Spratly Island.
Kinopya lang ng komite ang mga mapang British—pati mga mali noong panahon. Pabago-bago pa ang bansag sa ilan. Ang Scarborough (Panatag) Shoal ay mula sa barkong sumadsad doon nung 1748. Naging Si ge ba luo nu’ng 1935, tapos Min’zhu Jiao o Democracy Reef ng Kuomintang Republic nu’ng 1947. Ayaw ng Komunista sa “demokrasya” kaya sinimplehan nang Huangyan o Yellow Rock nu’ng 1983.
(Itutuloy)
- Latest