Tinuhog ang mag-ina
Isang masaklap na kuwento na naman ito tungkol kay Anita, isang onse-anyos na dalagita na walang awang pinagsamantalahan at binaboy ng siyota ng kanyang nanay na si Concha.
Ang akusado ay si Berto, isang 50-anyos na magsasaka na kinakasama ni Concha. Nagtatrabaho siya sa bukid sa buong maghapon habang si Concha naman ay nangunguha ng hipon at mga tulya sa tabing dagat mula 4:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi.
Nag-umpisa ang lahat habang wala sa bahay si Concha at kasalukuyang nangunguha ng hipon at lamandagat sa dalampasigan. Ilang beses tinakot at pinagbantaan ni Berto ang anak-anakan na si Anita hanggang sa magtagumpay si Berto na mapahiga siya sa sahig at tuluyang mapagsamantalahan. Pagkatapos ay binalaan ni Berto si Anita na huwag magsusumbong kung hindi ay papatayin nito ang dalagita at kanyang ina. Umiyak si Anita at nagmakaawa kay Berto na tumigil na ang lalaki. Pero lalo lang siyang natakot nang makita ang kutsilyo na malapit lang sa lalaki. Inulit na naman ni Berto ang banta na papatayin silang mag-ina kapag nagsumbong ang dalagita tungkol sa nangyari.
Naulit na naman ang pagsasamantala kay Anita matapos ang isang linggo. Inutusan siya ni Berto na humiga at agad nitong pinasok ang ari sa kanyang pagkababae. Agad na umalis ang lalaki nang matapos ang pangyayari samantalang naiwan ang dalagita na umiiyak sa kuwarto. Dumating si Concha kinagabihan. Patuloy si Berto sa ginagawa at nanatiling tahimik si Anita dahil sa takot.
Limang buwan ang nakalipas at may napansin si Concha na mga pagbabago sa katawan ng anak. Parang lumaki ang dibdib ng dalagita, laging natutulog at walang gana sa pagkain. Lumipas pa ang dalawang buwan at tuluyan na lumaki na ang tiyan nito. Agad na pinasuri ni Concha ang anak at napatunayan na buntis nga ang dalagita.
Sa takot na manganib ang buhay nilang mag-ina ay ayaw umamin ni Anita kung sino ang ama ng kanyang ipinagbubuntis. Pero matindi ang hinala ng kanilang mga kapitbahay na si Berto ang ama. Nang tanungin ni Concha si Berto ay umamin ang lalaki na siya ang ama ng ipinagbubuntis ni Anita. Bandang huli ay pumunta si Concha at Berto sa bahay ng kapatid ng babae na si Cardo at kinumpisal ang mga kabuhungan na ginawa kay Anita. Nagsisisi na raw si Berto at sinabi pa kay Cardo na patayin na lang siya para maipaghiganti ang ginawa niya sa dalagita. Agad na isinuplong ni Cardo sa mga pulis si Berto. Samantala, nanganak na si Anita. Isang malusog na sanggol na lalaki ang kanyang anak.
Kaya kinasuhan si Berto nang dalawang bilang ng qualified rape sa ilalim ng batas (Revised Penal Code as amended by RA 8353) dahil ginahasa niya ang onse-anyos na anak ng kanyang kinakasama na si Concha gamit ang dahas, pananakot at puwersa.
Sa paglilitis, inihain ng prosekusyon ang birth certificate ni Anita, ang laboratory report tungkol sa kanyang pagbubuntis, ang apat na testigo kabilang si Anita, ang nanay niya na si Concha, ang doktor na gumawa ng pagsusuri sa pagbubuntis ni Anita at si Cardo na kinumpirma ang lahat ng detalye sa nangyaring insidente.
Si Berto lang ang tumestigo para sa kanyang sarili. Sinabi niya na malabo na siya ang gumahasa sa anak-anakan dahil lagi siya sa bukid mula 5:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon. Tinanggi rin niya ang pahayag ni Cardo na kinumpisal niya sa lalaki ang kanyang ginawa pati kinuwestiyon din nito ang pagkakaiba sa mga detalye sa testimonya ni Anita tungkol sa nangyari nang gahasain ang dalagita sa una at ikalawang beses partikular kung tulog nga ba o gising bago molestiyahin.
Ayon sa RTC, walang pag-aalinlangan na ginawa ni Berto ang dalawang bilang ng krimen ng qualified rape kaya nararapat lang na ipataw sa kanya ang parusa na reclusion perpetua o habambuhay na pagkakulong at magbayad siya ng danyos (P50,000-indemnity plus P10,000moral damages each crime). Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol ng RTC.
Pero umapela pa rin si Berto sa Supreme Court kasi raw ay maraming magkakaiba sa testimonya ni Anita. Isa pa, hindi naman napatunayan na tumanggi ang dalagita sa nangyari.
Ayon sa SC, tama ang RTC at CA sa ginawang hatol kay Berto. Dagdag pa nito, ang maliliit na detalye na binabanggit ni Berto ay hindi sapat para matinag ang kredibilidad ng testimonya ni Anita o ang katotohanan na may nangyaring rape. Ang mga biktima ng rape ay hindi inaasahan na matatandaan lahat ang nangyari sa krimen lalo sa petsa, sa kung ilang beses naganap ang rape at paano sila ginahasa.
Ang hindi niya pagtanggi at hindi niya agad pagsuplong sa mga pulis dahil sa takot sa kapakanan ni Concha ay hindi nangangahulugan na nabawasan ang kanyang kredibilidad bilang biktima. Ang pagiging tahimik nang biktima ay hindi nangangahulugan na hindi naganap ang nangyaring krimen pati hindi rin ito nangangahulugan na nagsisinungaling, inimbento o hindi totoo ang lahat. Hindi naman talaga puwedeng umasa na kikilos na tulad ng isang matanda o isang may karanasan na babaena may sapat na angking talino at tapang ang isang menor de edad lalo’t pinagbantaan ang kanyang buhay pati kakatapos lang na walang awa siyang pinagsamantalahan.
Ang ginawang paggahasa sa isang anak ay tiyak na sisira sa relasyon ng isang ama sa kanyang anak. Nasisira ang kanyang dignidad pati ang kakayahan niya na magtiwala sa mga nakatatanda sa kanya. dahil sa mga ginawang kababuyan ni Berto kay Anita ay nararapat lang na itaas ang danyos at gawin na P100,000 para sa moral damages at P100,000 para sa exemplary damages bawat isa (People vs. Entrampas, G.R. No. 212161, March 29, 2017).
- Latest