^

PSN Opinyon

Kalaboso ang ama

IKAT AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Mapagmahal na tatay si Phil, asawa ni Maite. Anak nila sina Jessie at Abby, mga menor de edad. Sa isang city sa Bicol sila naninirahan. Doon din nakatira si Ivan na may dalawang anak na lalaki, sina Gio at Tony. Pero hindi matatawag na mabuting kapitbahay ang mga ito.

Isang araw, may prusisyon sa lugar nila. Nanonood sa gilid ng kalsada sina Jessie at Abby samantalang kasama sa prusisyon sina Gio at Tony. Nang madaanan ng dalawa sina Jessie at Abby, nagbatuhan ang mga ito.

Ayon sa prosekusyon, binato raw ni Jessie si Gio at tinawag na “bakla”. Sunod naman ay si Phil daw ang sumali sa gulo at tinawag na “hayop” at “dayo” sina Gio at Tony. Pag­katapos ay hinampas pa ni Phil si Gio sa likod sabay sampal sa mukha ng bata. Hindi pa nakuntento, sinugod naman ni Phil ang bahay ng mga bata at ang tatay nilang si Ivan at hina­mon ng away. Pero hindi pinatulan ni Ivan ang kapitbahay. Hindi siya lumabas ng bahay at nang makaalis si Phil ay saka sinama niya sa istasyon ng pulis ang mga anak upang magreklamo. Pagkaraan, pumunta sila sa ospital para ma­ipa­gamot ang sugat ng mga bata.

Todo tanggi si Phil na sinaktan at minaltrato niya si Gio. Ipinaliwanag ni Phil na kinausap lang niya ang dalawang bata pagkatapos na batuhin ng dalawa ang anak niyang sina Jessie at Abby. Sinumbong daw kasi ng mga anak niya ang gina­wang pambabato pati na ang pagsunog ni Gio ng buhok ni Abby gamit ang hawak na kandilang nakasindi. Pinagtibay ni Jessie ang kuwento ni Phil sa mga nangyari.

Malas ni Phil dahil hindi naniwala sa kanya ang korte. Pagkatapos ng paglilitis, hinatulan siya ng anim na taon at isang araw hanggang walong taong pagkabilanggo. Sinegundahan ng Supreme Court ang naging desisyon ng RTC at CA tungkol sa pagbubuhat ng kamay ni Phil kay Gio. Pero hindi raw ito paglabag sa Sec. 10 (a) ng RA 7610 dahil ang pagbubuhat ng kamay kay Gio ay hindi bunsod­ ng kagustuhan ni Phil na ipahiya ang bata o hamakin ang kakayahan nito bilang tao. Ito ay bunsod lang ng galit upang protektahan ang mga anak. Hindi lang daw napigil ni Phil ang sarili dahil nangibabaw sa kanya ang pagiging ama na gustong iiwas ang mga anak sa kapahamakan na dulot nina Gio at Tony.

Pero dahil nagtamo ng sugat si Gio na kinailangan ng lima hanggang pitong araw na gamutan, dapat pa ring managot si Phil sa kasong “slight physical injuries” na may kaakibat na parusang 1 araw hanggang 30 araw na pagkabilanggo. At dahil nga nagdilim lang ang kanyang paningin at nawalan ng kakayahan na kontrolin ang sarili, binabaan ang parusa at ginawa na lang 10 araw na pagkakulong at pinagbabayad ng danyos na P5,000.00 (Bongalon vs. People, G.R. No. 169533, March 20, 2013).

AMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with