Makati, first-ever Resilience Hub sa Pilipinas at Southeast Asia
More good news, Proud Makatizens. Nagbunga na nga ang tuluy-tuloy nating pagsisikap na makapaglatag ng mga plano at programa para sa disaster risk reduction, resilience, at sustainability. Kinilala ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction (UNDRR) ang Makati bilang kauna-unahang Resilience Hub sa Pilipinas at sa buong Southeast Asian Region. Iginagawad ng UNDRR ang resilience hub certificate sa mga lungsod, munisipalidad o lokal na awtoridad na nakapagpatunay ng kanilang political at technical commitment sa pagtugon sa mga hamon at panganib ng disasters at climate change.
Nagpapasalamat ako sa UNDRR sa pagkilala sa kahandaan ng Makati para sa mas mahalagang tungkulin sa Making Cities Resilient 2030 initiative. Isinusulong ng MCR2030 na maisakatuparan ang Sustainable Development Goal 11 sa pamamagitan ng pagtulong sa mga siyudad na maging inclusive, safe, resilient at sustainable pagdating ng 2030. Maglilingkod bilang Resilience Hub ng MCR2030 ang Makati sa susunod na tatlong taon. Pagkakataon na nating masuklian ang malaking ambag ng MCR tools sa adhikain nating maging resilient at sustainable. Handang-handa ang Makati na ibahagi ang ating mga kaalaman, best practices at resources sa iba pang mga siyudad upang sama-samang makamtan ang mataas na antas ng resilience pagdating ng 2030. Bilang Resilience Hub, ang Makati ay magsisilbing huwaran para sa ibang mga siyudad hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ibig sabihin nito, babantayan nila ang bawat kilos at hakbang natin na kaugnay ng paghahanda sa kalamidad at pagtugon sa mga panganib at hamon ng climate change.
Sa harap ng tumitinding epekto ng climate change na ramdam sa buong mundo, hindi tayo pwedeng mag-aksaya ng oras. Habang abala ang inyong pamahalaan sa pagsubok ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya, mahalagang magampanan din ninyo ang tungkulin bilang mamamayan. Umpisahan ninyo ito sa pagwawasto ng mga maling nakagawian upang hindi na makasira sa kapaligiran.
Bilang Proud Makatizens, magsisimula sa inyo at sa inyong mga tahanan ang mga pagbabagong gusto nating makamit. Sa maliliit na hakbang din nakasalalay ang pagtatagumpay ng ating mga programa at mga long-term goals na nagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga susunod na henerasyon. All eyes are on us, Proud Makatizens. Kailangan po namin ang tulong ng bawat isa sa inyo.
- Latest