^

PSN Opinyon

Malas sa mister  

IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

NAGKAKILALA noong high school sina Clara at Mario. May crush si Clara kay Mario kahit alam niyang lasenggo ito. Nakuha niyang tawagan si Mario sa pamamagitan ng cell phone na bigay ng mga kaibigan nila. Hindi nagtagal, naging magsiyota sila. Hanggang nadiskubre ni Clara na seloso si Mario sa kabila na kung sinu-sino ang ka-text nitong babae at kung saan-saan nagpupunta na hindi man lang nagsasabi sa kanya. Nang subukan ni Mario na makipaghiwalay, tinakot ito ni Clara na magpapakamatay siya. Nang siya naman ang gustong makipaghiwalay, si Mario naman ang gumagawa ng paraan para magpatuloy ang kanilang relasyon. Nang magkahiwalay sila sa pinapasukang unibersidad, lalong tumindi ang pagseselos ni Mario. Sa loob ng limang taon nilang relasyon, 20 beses silang naghiwalay at nagkasundong muli.

Nabuntis si Clara nang 20 anyos siya at 21 anyos naman si Mario. Nang malaman ng kanilang mga magulang ang nangyari, hindi nila kinunsidera ang pagpapa­kasal. Bantulot si Clara pero si Mario naman ay mapilit na magpakasal sila. Niloko pa ni Mario ang mga magulang ni Clara at sinabi na pupunta sila sa U.S. kung sakali at mahirapan ang babae sa mga gawaing-bahay. Bandang huli, pumayag na rin ang mga magulang ni Clara na magpakasal ang dalawa. Pumisan sa bahay ng mga magulang ni Mario.  Nahirapan si Clara dahil hindi siya marunong gumawa ng trabaho sa bahay. Madalas pang mangutang ang mga magulang ni Mario kay Clara para raw tustusan ang matrikula nito sa eskuwela.

Hanggang lumipat ang mag-asawa sa bahay ng mga magulang ni Clara. Minsan, nasugatan pa sa ulo si Mario dahil sa kanilang pag-aaway. Nang ipanganak ang kanilang panganay na lalaki ginusto na nilang maghiwalay. Ugali kasi ni Mario na iwan ang mag-ina niya kasama ang mga kabarkada. Nang makatapos ng kolehiyo si Mario, hindi ito naghanap ng trabaho dahil sa katamaran at ­bisyo. Anibersaryo ng kanilang kasal nang umuwi si Mario sa bahay na lasing at inutos sa mga katulong na iimpake ang gamit niya at bubukod na kay Clara.

Kaya nagsampa ng petisyon si Clara sa RTC para ipawalambisa ang kanilang kasal base sa psychological incapacity nilang dalawa. Hindi nag-abalang sumagot si Mario sa asunto kahit pa binigyan siya ng abiso. Sa paglilitis, tumestigo si Clara at sinalaysay ang mga nangyari sa kanila ni Mario. Sinang-ayunan ng tiyuhin ni Clara ang lahat ng kanyang sinabi dahil dito siya madalas magsumbong. Tumestigo rin ang psychologist na sumuri kay Clara at pinatunayan na may borderline personality disorder ito samantalang si Mario naman ay may narcissistic personality disorder. Matapos ang paglilitis, napatunayan ng RTC na parehong psychologically incapacitated ang dalawa kaya naglabas ng desisyon na nagpapawalambisa sa kanilang kasal dahil wala raw kakayahan ang mga ito gampanan ang kani-kanilang tungkulin bilang mag-asawa. Kinatigan ng Court of Appeals ang desisyon. Tama ba ang RTC at CA?

TAMA. Ayon sa Supreme Court, kahit pa raw totoo na hindi sapat ang murahin, pabayaan, pag-iwan at pagtaksilan ng lalaki ang kanyang misis para maging basehan ng pagpapawalambisa ng kasal dahil dapat ay babagsak lang ito sa legal separation, ang kumbinasyon naman nito lalo kung mapatunayan na taglay na nila ang sakit bago pa sila ikasal ay matibay na basehan para ituring na “void marriage”  ang kanilang kasal sa ilalim ng Art. 36 ng Family Code.

Dito sa kaso, ang ginawang pagtataksil, pagpapabaya at pag-iwan ni Mario sa kanyang pamilya at sa kabilang banda naman, ang masamang ugali ni Clara pananakit, pagmumura at pananakot na magpapakamatay lagi ay indikasyon ng psychological incapacity. Nasagot nila ang mga kritikal na pamantayan ng korte sa bigat, kawalan ng lunas at pagkilos o pag-uugali na nagpapakita ng indikasyon ng psychological incapacity at kawalan ng kakayahan ng mag-asawa na magpatuloy sa kanilang pagsasama bilang mga magulang sa kanilang anak.

Ang testimonya ng isang medical expert ay hindi na kailangan para patunayan ang psychological incapacity bilang isang legal na konsepto. Hindi na tinitingnan ng mga hukuman ang psychological incapacity bilang isang sakit o personality disorder basta mahanap ang ugat o pinagmumulan nito. Sapat na ang testimonya ng mga ordinaryong testigo na magpapatunay sa psychological incapacity na taglay ng mag-asawa. Kahit pa nga sabihin na kailangang tumestigo ang isang medical expert, ang testimonya nito ay sapat na din.

Ang mga ginawang paraan at pamantayan ng doktor sa pagsuri ng  ng interview kay Clara, Mario at sa tatay ni Clara pati ang sumunod niyang eksaminasyon bago niya sabihin na may psychological incapacity ang dalawa ay malinaw at kumbinsido ang hukuman sa ebidensiya. Sina Clara at Mario ay parehong psychologically incapacitated at walang kakayahan na gampanan ang tungkulin bilang asawa kaya dapat lang ipawalambisa  o gawin na void ab initio ang kanilang kasal mula pa sa umpisa. (Republic vs. Claur and Claur, G.R. No. 246868, February 15, 2022).

MISTER

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with