Mahiya naman kayo sa turista
Mag-iisang taon na ngayon ang “revenge tourism”. Gigil na gigil ang Pilipino at dayuhan na bumiyahe matapos ang dalawang taong pandemic lockdown. Turismo raw ang mabilis na magbabalik sa lahat sa normal na kabuhayan. Kasi nga naman, kumikita lahat sa turismo, mula sa marangyang resort hanggang sa nagtitinda ng banana cue sa kanto.
Pero kapansin-pansin na sa panahon ng lockdown ay hindi pinagbuti ang isa sa pinakamahalaga sa turista—ang kubeta.
Nakakabuwisit huminto sa paborito mong restoran sa highway, tapos sira pala o kulang sa kagamitan ang kubeta. Mawawalan ka ng gana magkamay ng pagkain, tapos wala palang tubig panghugas.
Hulyo 2018 pa isinabatas ang “Act to Improve Land Transportation Terminals, Stations, Stops, Rest Areas and Roll On-Roll Off Piers.” Inobliga ng R.A. 11311 na maglaan ng libreng Wi-Fi at malinis na pasilidad sa mga himpilan ng bus at Ro-Ro. Dapat may hiwalay na palikuran para sa lalaki, babae at persons with disabilities. Maliwanag, may bentilasyon, at ligtas sa masasamang-loob. May upuan ang inidoro sa mga kubeta, malinis na tubig, toilet paper, flush, lababo, sabon, hand drier, salamin, basurahan at tarangkahan sa pinto. Bukod pa ang ekslusibong silid para magpalit ng lampin at magpasuso ng sanggol.
Multa sa paglabag kung pribadong terminal: P5,000 kada araw. Bawal maningil sa paggamit ng pasilidad; ipakita lang ng pasahero ang tiket, puwede na. Saad ng batas na maglaan ang mga ahensiya ng gobyerno ng pondo para sa mga pasilidad kung pampublikong pantalan. Pero numero uno ito sa paglabag. Mapanghi at kakarag-karag ang public toilets. Walang flush ang kubeta; walang tubig para sa tabo’t balde.
Pangunahing awtor ng batas si Speaker Gloria Macapagal-Arroyo. Kung alam lang sana niya na ang paborito niyang restoran sa MacArthur Highway sa Pangasinan ang pinakapalpak ang kubeta. Dapat ilista at hiyain sa media ang maruruming kubeta.
- Latest