Mabilis at maayos na serbisyo ng LGUs
Agresibong itataguyod ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa pamumuno ni dating kongresista, ngayo’y LMP-Abra president JB Bernos, na kasalukuyang ding mayor ng La Paz, Abra, ang digitalization ng lahat ng serbisyo ng lokal na pamahalaan sa buong bansa.
Bilang matagal nang saksi ng lokal na pamamahala, panahon na, ayon kay Bernos, upang maisaayos ang pagkalinga sa mga mamamayan at mapabilis ang mga proseso ng paninilbihan ng LGU. Ang susi— digitalization ng LGU.
Tutal nakasaad naman sa Full Digital Transformation Act of 2020 na naglalayong magkaroon ng digital plan ang lahat ng ahensiya, sangay at anupamang mga opisina ng pamahalaan alinsunod sa Philippine Digital Transformation Strategy 2022.
Sa pamamagitan ng full digitalization ng lahat ng serbisyo ng gobyerno, mabubura na ang personal contact na sanhi ng pagkakaroon ng mga fixers at tuwiran nang stress-free ang transaksyon ng publiko sa mga ahensya ng gobyerno.
Ito na ang tunguhin na ninanais ni Bernos sa lahat ng 1,688 LGUs sa buong bansa, dahil hindi lamang itong uso-uso lang kundi sa bandang huli’y biyaya sa publiko, alinsunod sa pangarap ng pamahalaang Marcos na makabagong Pilipinas sa susunod na anim na taon.
Sa digitalized environment sa LGUs, magiging maayos at madali para sa publikong mag-access ng serbisyo ng gobyerno, pag-claim ng anumang ayuda, lisensiya o aplikasyon na magdudulot ng kasiyahan ng bawat mamamayan. Bukod pa rito, maipamamalas sa publiko ang transparency sa lahat ng proseso ng gobyerno dahil sa digitalized environment bawat yugto ng mga proseso’y madali nang makita sa government databases.
Kung gayon, mabisa rin ang trabaho ng bawat empleyado ng gobyerno dahil di-tulad ng araw kung bilangin ang pagre-request ng datus o papeles mula sa mga departamento, magiging segundo na lang mula sa government databases. Isa pa’y magmumula sa iisang data storage ang lahat ng impormasyon ng pamahalaan, kaya’t mababawasan kundi man mabubura na ang kalituhan at human error na kalimitan ay nagdudulot ng kamalian sa mga pagdedesisyon ng mga namumuno ukol sa polisiya.
Sa kabila nito’y kailangan isaalang-alang ang cybersecurity at data privacy ng mga punong-abala sa digitalized environment sa LGUs upang maiwasan din naming mapahamak ang publiko. Hamon na haharapin ng bagong pamunuan ni Mayor Bernos sa LMP.
* * *
Para sa suhestiyon: [email protected]
- Latest