EDITORYAL - Pang-aabuso sa mga estudyante
Sabik ang mga estudyante sa pagbabalik ng face-to-face classes. Kaya nang magbukas ang F2F noong Agosto 22, 2022, marami sa kanila ang excited. Ang mahigit dalawang taon na sa online classes sila nakatutok ay naputol na at inaamin nilang mas maraming natutunan sa F2F kaysa sa distant learning. Lubhang kakaiba kung nasa loob ng classroom ang lahat at sama-samang nag-aaral at nagdidiskusyon. Mas maraming pumapasok sa utak kaysa sa online na hilaw at kulang-kulang ang nalalaman.
Maski ang karamihan sa mga magulang ay naniniwalang kakaunti ang nakukuhang kaalaman ng kanilang mga anak sa nagdaang dalawang taon ng online classes. Walang natamo ang mga anak kaya nagpapasalamat sila sa pagkakabalik ng F2F. Sa wakas mayroon nang matututunan ang kanilang mga anak.
Subalit kasabay sa pagbabalik ng F2F classes, nagsulputan na ang mga reklamong pang-aabuso ng mga guro sa kanilang estudyante. Samu’t saring kaso ang naitala mula nang mag-umpisa ang F2F noong nakaraang buwan.
Halimbawa ay ang nangyari sa Kalinga, Apayao na nakunan ng video ang pagpalo at pagpingot sa taynga ng dalawang estudyante sa elementarya ng kanilang guro. Umano’y nahihirapang magsolb ng math sa blackboard ang dalawang estudyante na ikinayamot ng guro kaya pinalo niya at piningot sa taynga ang mga ito. Kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang ginawa ng guro na pananakit sa estudyante.
Kamakailan, limang guro sa Bacoor National High School ang sinuspende ng 90 araw dahil sa alegasyon ng sexual harassment sa mga estudyante. Ganito rin ang sitwasyon sa Philippine High School for the Arts sa Mount Makiling. Umano’y nakaranas ng sexual, physical at emotional abuse ang mga estudyante mula sa kanilang guro.
Sabik ang mga estudyante sa pagbabalik ng F2F pero ganito pala ang kanilang mararanasan. Mas matindi sapagkat pang-aabuso ang mararanasan. Kung ganito ang mangyayari at walang magagawang aksiyon ang mga awtoridad laban sa mga mapang-abusong guro, mas mabuti pa kung mag-online classes na lang uli—ligtas pa ang mga bata sa bahay. Nababantayan pa ng mga magulang.
- Latest