Bakit frustrated homicide lang?
ITO ang tanong ko at ng ilang kaibigan sa kasong isinampa laban sa isang SUV driver na sinadyang sagasaan ang guwardiyang sumita sa kanya. Malinaw kasi sa napanood na video mula sa CCTV camera na deliberate ang pananagasa ni Jose Antonio Sanvicente sa guwardiyang nagmamando ng trapiko sa isang mall sa Mandaluyong City.
Ang nangyari, matapos banggain ang guwardya na natumba ay binalikan pa niya ito para sagasaan. Malinaw ang intensiyong tuluyang patayin ang naturang guwardiya. Salamat sa Diyos at himalang nakaligtas ito.
Hindi ako abogado pero sa tingin ko, may element na ito ng pre-meditation. Marami tayong mga kababayan na ganyan ang pag-ugali. Pinaiiral ang init nang ulo at dahil diyan, nakagagawa ng marahas na desisyon katulad ng tinutukoy kong SUV driver.
Mabuti na lang at tuluyan nang binawian ng lisensiya ang driver. Sana huwag na siyang bigyan ng tsansang makapagmanehong muli. Mahirap pabayaang nagda-drive sa lansangan ang ganyang mga uri ng taong bangag ang pag-iisip.
Ang dating frustrated murder ay binago ng Mandaluyong Prosecutors Office at ibinaba sa frustrated homicide na lang. Hindi ako nagmamarunong kundi nagtatanong lang gaya ng iba nating kababayan. Tunay kasing nakakakulo ng dugo ang ipinakitang arogansya ng naturang driver nang sitahin ng security guard.
Ayaw ko ring isipin na komo may impluwensiya ang driver na ito ay kaya niyang lusutan ang batas. Tulad ng lumang kasabihan, “No one is above the law.” Hindi maganda na komo ang aggrieved party ay isa lamang sekyu ay mas papaboran ang umagrabyado komo mas angat ang estado.
- Latest