5 dahilan ng giyera
Mapanganib, mapangwasak ang giyera. Pero sumisiklab pa rin. Dahil ba likas na marahas at baliw ang tao kaya sumusuong sa walang katiyakang katapusan? Nakabuti sana sa Chicago Mafia families o Colombia drug cartels kung nagkasundo na lang paghatian ang mga ilegal na raket imbes na magkatayan. Pero pinili nila ang ubusan ng lahi.
Sinuri ‘yan ni development economist Christopher Blattman sa aklat niyang “Why We Fight”. Lima ang nakita niyang dahilan.
Una, labis na ambisyon at interes. Nilupig ni Adolf Hitler ang mga bansa sa paligid ng Germany para maghari ang lahing Aryan (blond ang buhok, asul ang mata) at siya ang Fuehrer (ama) nito. Nilusob ni Vladimir Putin ang Ukraine sa akalang maibabalik ang Tsarist at Soviet Russia. Inuna nila ang sariling nais, hindi kapakanan ng bansa. Namulubi, namasaker ang mamamayan nila.
Ikalawa, matayog na hangarin. Lumaban ang Britain sa Nazi Germany at ang Ukraine sa Russia ni Putin sa pangarap na maging malaya at demokratiko. Nagbuwis sila ng buhay.
Ikatlo, maling kalkulasyon. Hindi akalain ni Hitler na mawawasak ng Britain ang kanyang Luftwaffe (air force). Tinularan ang pagkakamali ni Napoleon na lusubin ang Russia habang winter. Maling akala ni Volodymyr Zelensky ng Ukraine na panakot lang ni Putin ang pagdagsa ng sundalong Russians sa border. Maling akala ni Putin na sasanib sa kanila ang Ukrainians na nagsasalitang-Ruso, hindi pala.
Ikaapat, kawalan ng tiwala. Nangako si Hitler kina British Prime Minister Neville Chamberlain at Soviet Russian leader Josef Stalin na hindi niya sila lulusubin. Hindi naniwala sina Winston Churchill at mga kasama ni Stalin. Wala silang tiwala sa salita ng isa’t isa.
Ikalima, maling impormasyon. Hindi naiintindihan ng mga lider ang sarili at kabila. Akala ni Putin malakas ang army niya at marupok ang sa Ukraine. Akala ni Hitler mauunahan niya ang Allies sa paggawa ng atom bomb. Minaliit nila ang katatagan ng kalaban.
- Latest