EDITORYAL - Sanlibong tanong sa P1,000 polymer bills
Nakahanay na ang Pilipinas sa mga bansang gumamit ng polymer bills. Napag-iwanan na nga raw ang Pilipinas sa paggamit ng ganitong klaseng pera. Maski ang Sri Lanka na nagkakagulo ngayon dahil sa pagbagsak ng kanilang ekonomiya ay matagal nang gumagamit ng polymer. Lahat nang bansa sa Africa ay polymer na rin ang banknotes.
Ang paggamit ng polymer ay isinulong ni dating Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor at ngayo’y Finance Secretary Benjamin Diokno.
Nang lumabas noong nakaraang linggo ang bagong P1,000 polymer bills, naglutangan agad ang maraming tanong sa bagong pera. Unang napabalita na hindi raw ito dapat tupiin dahil masisira. Kailangan ay plantsadong nakalagay sa pitaka. Hindi rin daw dapat maarawan dahil kukupas ang kulay.
Marami pang katanungan sa bagong P1,000 bill. Pero ang pinakamatinding tanong ay kung bakit kailangan pang palitan ng agila ang tatlong bayani ng World War 2? Mahalaga pa raw ba ang agila kaysa mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan? Ang tatlong bayani ay sina Josefa Llanes Escoda, Jose Abad Santos at Vicente Lim.
Si Escoda ay dakilang civic leader, social worker at tagapagtanggol ng mga kababaihan. Siya ang nagtatag ng Girl Scout of the Philippines. Noong Enero 6, 1945, dinukot siya ng mga Hapones, tinorture at pinatay. Hindi na nakita ang kanyang bangkay.
Si Jose Abad Santos ay naging Chief Justice ng Korte Suprema noong Disyembre 24, 1941 makaraang italaga ni President Manuel Quezon. Nang tumakas sina Quezon sa Corregidor at nagtungo sa Australia, si Abad Santos ang inatasan niyang maging caretaker ng bansa. Nadakip siya ng mga Hapones sa Malabang, Lanao del Sur. Noong Mayo 2, 1942, pinatay siya nang tumangging kilalanin ang gobyernong Hapones.
Si Vicente Lim, isang heneral ay nadakip ng mga sundalong Hapones sa Oriental Mindoro. Dinala sa Maynila at ikinulong sa Bilibid. Pinahirapan siya at saka walang awang pinatay noong Enero 15, 1945 sa Manila North Cemetery. Hindi na narekober ang kanyang bangkay.
Sinabi noon ni Diokno, hindi naman daw winawalang-halaga ang kabayanihan ng tatlo. Kalakaran na rin naman daw ngayon ang paglalagay ng fauna at flora sa pera.
Tama naman siya. Pero puwede namang ilagay ang agila sa P1,000 bill na hindi masasakripisyo ang tatlong bayani. Ba’t kailangang alisin sila? Kumikilos na ang mga senador sa mga pagbabago sa P1,000 bills.
- Latest