Saka pa lang hahanapin?
Ayon sa report, 22 miyembro ng National Capital Regional Police Office ang sangkot sa pagkapatay sa walong high-profile na bilanggo kabilang ang mga kilalang drug lord na sina Jaybee Sebastian, Amin Boratong at ilang Chinese drug lords noong panahon ng pandemya. Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, “We will make sure po na lahat ng napangalanan doon sa complaint po ay ia-account po natin, aalamin natin nasaan po sila assigned ngayon and we will initiate appropriate administrative proceedings if evidence warrants po.” Gagawin ito kapag natanggap na ang opisyal na kopya ng reklamong isinampa ng NBI sa DOJ.
Pero balitang-balita na iyan kaya tila nabigyan na ng sapat na babala ang 22 pulis na iyan na kakasuhan na nga sila. Hahanapin pa lang sila kapag natanggap na ang opisyal na kopya? Alam ko may due process pero paano pa nila mahahanap ang mga iyan kung alam na kakasuhan na sila? Hindi ba dapat antimano ay inalam kung nasaan sila bago pa ilabas sa media na kakasuhan nga sila? Paano kung nagtago na nang husto? Paano kung nakaalis pa ng bansa at wala namang hold departure order o lookout bulletin man lang?
Ang tanong, may kinalaman ba ang mga drug lord na iyan sa kaso ni dating Sen. Leila de Lima? Ano ang dahilan kung bakit tila “niligpit” na lang sila. At sa panahon pa ng pandemya kung saan sinabing namatay sila dahil sa COVID pero taliwas sa mga natuklasan ng NBI Death Investigation Division na may kriminal na intensiyon dahil hindi magtugma-tugma mga pahayag nila. Siguro dapat palawigin ang imbestigasyon at maaring hindi lang ang 22 pulis ang kumilos para pagtakpan ang krimen.
Dapat mapabilis ang pagresolba ng krimeng ito. Tiyak may dahilan kung bakit sila pinaslang. Pinatahimik? Para walang masiwalat na krimeng nagaganap sa loob ng Bilibid? O may kinalaman ba sa kaso ni De Lima kung saan ilang tumestigo ang binawi na ang kanilang pahayag laban sa dating senador? Tingnan natin kung ilan sa 22 ang haharap sa mga kasong isasampa laban sa kanila kapag natanggap na ng PNP ang opisyal na kopya ng reklamo.
- Latest