EDITORYAL - Patuloy na pagpaslang sa mga mamamahayag
Nagpapatuloy ang pagpatay sa media workers. Ngayong taon na ito, dalawang mamamahayag na ang inuutas una si Jaynard Angeles, radio commentator sa Tacurong City, Sultan Kudarat na binaril ng riding-in-tandem noong nakaraang Enero 2022. Nasa isang car repair shop si Angeles nang barilin. Walang anumang tumakas ang mga suspect. Hanggang ngayon, wala pang naaaresto ang pulisya sa mga killer.
Ikalawang pinatay si Federico Gempesaw, radio commentator ng Carmen, Cagayan de Oro City. Pinatay siya ng riding-in-tandem sa harap mismo ng kanyang bahay makaraang bumaba sa taxi na kanyang ipinapasada. Tumakas ang mga suspek at hinahanap na umano ng pulisya.
Sina Gempesaw at Angeles ay kabilang sa 24 na mamamahayag na pinatay sa ilalim ng administrasyon ni President Rodrigo Duterte at ika-196 mula nang maibalik ang demokrasya sa bansa noong 1986. Bumaba sa puwesto si Duterte noong nakaraang Hunyo 30 at humalili naman si Pres. Ferdinand Marcos Jr. Nakaatang na sa balikat ni Marcos kung magkakaroon ng hustisya ang mga pinatay na media workers at kung magpapatuloy pa ang mga pag-atake sa mga mamamahayag sa ilalim ng kanyang anim na taong termino.
Karamihan sa mga nangyaring pagpatay sa mga mamamahayag ay hindi nalutas. Maski ang karumal-dumal na pagpatay sa 30 mamamahayag sa Ampatuan, Maguindanao noong Nob. 23, 2009 ay hindi pa rin lubos na nakakamit ng hustisya. Mayroon pa ring mga killer na nakalalaya hanggang sa kasalukuyan.
Sa report ng Committee to Protect Journalists (CPJ) noong 2021, pampito ang Pilipinas sa pinakamasamang bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Somalia at sinundan ng Syria, Iraq, South Sudan, Aghanistan, Mexico, Brazil, Pakistan, Bangladesh, Russia at India.
Kamakailan sinabi ng kauupong Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na naglalatag na ng mga bagong programa para maproteksiyunan at mabigyan ng benepisyo ang mga miyembro ng media. Ayon pa kay Angeles, layunin ng bagong polisiya ang kaligtasan ng mga mamamahayag. Posible rin daw ituloy ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMs), na itinatag ng Duterte administration.
Kung matutupad ang mga inilalatag ng bagong administrasyon para maprotektahan ang media workers, katanggap-tanggap ito. Hindi na aandap-andap ang kalooban ng mga mamamahayag na pakiramdam ay nasa hukay ang kalahati ng katawan.
- Latest