Maliwanag
DITO maliwanag ang kakaibang pagtrato sa mga mayayaman na may ginawang mali o iligal kumpara sa mga mahihirap. Matapos ang ilang araw, sumuko si Jose Antonio Sanvicente sa PNP kasama ang mga magulang at abogado. Siya umano ang nagmamaneho ng Toyota RAV4 na sumagasa kay Christian Floralde, security guard sa may SM Megamall.
Kuha sa video ang krimen kung saan matapos mabundol ang guwardiya, nagpatuloy umalis at tuluyang nasagasaan ang guwardiya. Hindi nga kapani-paniwala ang nangyari kung saan iniwan na lang ng sasakyan ang nasagasaang guwardiya. Dinala sa ospital ang guwardiya. Sa pinakahuling balita, nakalabas na siya.
Panay ang paliwanag ng abogado at mga magulang na mabuting tao raw si Sanvicente at kung anu-ano pa. Tutulungan daw nila ‘yung nasagasaan. Sa totoo lang, tila nabigyan pa ang suspek na makapagpaliwanag nang husto. Pero ano ang mga kasong nais isampa ng PNP? Frustrated murder at abandonment of victim. Hindi ba mabibigat na krimen iyan? Hindi ba dapat pinosasan kaagad ang suspek at ikinulong? Hit and run iyan. Kuhang-kuha pa sa video na alam na niyang nabundol, tinuluyang sagasaan pa.
Sigurado ako na kung mahirap kumpara kay Sanvicente ang nakasagasa, nakakulong na iyan. Kung ang sasakyan ay lumang-luma, kakarag-karag at marumi nakakulong na iyan. Ang press conference na gagawin ng PNP ay ipakitang nakakulong na ang suspek.
Kung anu-anong paliwanag ang inilalabas ngayon ng PNP kung bakit hindi arestado at nakakulong si Sanvicente. Maaaring may batas para diyan pero hit and run? Kung namatay kaya ang guwardiya mas mabigat na ba ang krimen at kailangang ikulong? Pero dahil buhay naman okay na ‘yan? At ‘yung nagtago sa mga awtoridad hindi ba mabigat din ‘yan?
Natural na umalma ang marami sa social media. Na ang mayaman lang talaga ang nakakaligtas mula sa batas o nabibigyan ng special treatment. Mga may kaso na nagiging mataas na opisyal pa sa gobyerno, o magulang nito. Samantalang mga nagtitinda lang sa tabi ng kalsada hinuhuli sa marahas na paraan. Mga tumutulong lang sa kapwa noong panahon ng pandemya ay nababansagang komunista at minamanmanan na ng PNP. Patas ang PNP sa lahat? Ewan ko lang. Sana naman.
- Latest