Mapusok na usok
Ano na ang nangyari sa Vaping Bill, ang panukalang lalong magpapalakas sa industriya ng e-cigarettes sa bansa? Enero pa itong nabalitaang nakapasa sa dalawang kamara ng Kongreso. Kung umabot na ang bill sa tanggapan ng Pangulo, tatakbo na sana ang timer para kanyang i-veto, pirmahan o kung hindi pirmahan ay hayaang lumampas ang tatlumpung araw upang ito’y maging ganap na batas.
Subalit itong nakaraang linggo ay inamin ng mismong Kalihim ng Department of Health na hindi pa inaakyat sa Presidente ang ipinasang bill.
Ano man ang katwiran ng pamamahinga ng batas, ang epekto ay nababawasan ang nalalabing araw sa termino ni Pangulong Duterte. Alam ng buong Pilipinas na kung ano ang galit ng Pangulo sa droga ay siya ring galit niya diyan sa e-cigarettes. Hanggang sa ngayon, ang kanyang Executive Order ang umiiral na mahigpit na pinapatupad ang kasalukuyang batas kung saan ang mga nasa edad 21 lang pataas ang maaring bentahan ng produkto.
Nang ikinamatay ng isang menor-de-edad ang kanyang pag-gamit ng e-cigarettes (tinaguriang E-VALI - e-cigarette or vaping use-associated lung injury death), maalalang inorder ng Pangulo ang pag-aresto sa lahat ng gumagamit sa pampublikong lugar, maski matanda. Tinakot din niya ang “demonyong” lumikha ng vape na ma-EJK. Maging ang mga huwes ay pinakialaman at hinamon na maglabas ng kautusan pabor sa vape at tingnan na lang kung ano ang mangyari.
Lamang sa industriya ng vape ang hindi agarang pagsumite ng panukala sa palasyo. Noong 2016, nang si Pangulong Benigno Aquino III ay nagbitiw na sa puwesto, may mga naiwang panukala para sa kanyang lagda na hindi naaksyunan. Ang naging epekto ay sumalubong ito tuloy sa bagong tenant ng Malakanyang. Hindi rin nilagdaan ni Pangulong Duterte ang mga dinatnan dahil nirespeto niya ang pag patay malisya dito ni PNoy. Ang resulta ay naging batas ang mga panukala dahil lipas na ng 30 days mula ito’y tinanggap.
Alamin natin ang istorya kung bakit nawawala ang panukala nang sa ganon ay hindi na lang tayo mabigla sakaling ito’y lihim na sumulpot.
- Latest