^

PSN Opinyon

Pinagtibay na ang hatol kay Palparan

K KA LNG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Si Jovito Palparan ay dating Army general na binansagang “The Butcher” dahil sa kanyang madugong kampanya laban sa mga komunista at iba pang “kalaban ng bansa” noong administrasyon ni Gloria Arroyo. Sa State of the Nation Address (SONA) ni Arroyo noong 2006, kinilala niya ang mga tagumpay ni Palparan laban sa New Peoples Army (NPA). Pero sa mga kampanyang iyan inakusahan siya nang mga paglabag sa karapatang pantao.

Isa rito ay ang kaso ng pagkawala nina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, mga estudyante ng UP-Diliman at mga miyembro umano ng NPA. Dinampot sila ng mga hinihinalang militar noong 2006.

Nang masampahan ng kaso si Palparan at apat pang sundalo noong 2011, nahuli siya sa Clark International Airport na paalis na sana patungong Singapore. Tumestigo­ si Raymond Manolo at sinabing naging biktima ni Palparan ang dalawang babae sa kamay ni Palparan. Nasa internet ang mga karima-rimarim na ginawa sa dalawang babae. Na­sentensiyahan ng habambuhay na pagkakulong si Pal­paran at dalawang sundalo noong 2018. Inapela ang hatol sa Court of Appeals.

Noong nakaraang Marso 2022, kinapanayam si Palparan at dalawang sundalo habang nasa New Bilibid Prison ni Lorraine Badoy, tagapagsalita ng NTF-ELCAC na madalas magbansag na komunista ang ilang tao at grupo. Ilang beses na siyang inireklamo ng “red-tagging”.

Halos tatlong oras inabot ang panayam ni Badoy kay Palparan. Ipinalabas ang nasabing panayam sa SMNI, ang network na pagmamay-ari ni Apollo Quiboloy, ang malapit na kaibigan at spiritual adviser ni President Duterte. Hindi na ako nagtataka.

Ayon kay Badoy, ginawa ang panayam “para para­ngalan at ipagtanggol” si Palparan. Hindi na baleng naha­tulan ng korte at kasalukuyang inaapela ang kaso, kaya sa madaling salita, aktibo pa rin ang kaso at hindi dapat publikong pinag-uusapan batay sa sub judice rule.

Ayon sa imbestigasyon ng DOJ, may mga paglalabag na naganap sa nasabing interview batay sa mga alituntunin mismo ng BuCor. Kailangang magpaliwanag si BuCor chief Gerald Bantag sa DOJ. Sino ang nagbigay ng pahintulot dahil hindi raw alam ng DOJ? Bakit pinayagan ni Bantag na makapasok sina Badoy at mainterbyu si Palparan kung alam na inaapela ang kaso? Huwag na tayong magtaka at ganyan namang kumilos ang NTF-ELCAC. Tila hindi sila saklaw ng anumang batas hangga’t malakas sila sa presidente.

Nataon naman na lumabas na ang desisyon ng Court of Appeals sa kaso ni Palparan. Pinagtibay ng korte ang hatol kay Palparan ng mas mababang hukuman, pero may binago sa parusa. Bukod sa panghabambuhay na kulong, hindi sila mabibigyan ng pagkakataong mabigyan ng parole o paglayang may kondisyon.

Habambuhay na talaga ang parusa. Iaapela sa Korte Suprema ang kaso pero sa ngayon, lahat ng panahon para pag-isipan nila kung paano naging banta ang dalawang hindi armadong babae sa seguridad ng bansa at kung bakit sila kinailangang pahirapan nang husto. Sa ngayon, hindi pa sila matagpuan. Iyan ang hindi naiintindihan ni Badoy o ng buong NTF-ELCAC.

GLORIA ARROYO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with